Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | May 24, 2021
Naglabas ng sentimyento ang misis ni Sen. Manny Pacquiao na si Jinkee nang mag-guest siya sa vlog ni Dra. Vicki Belo at aniya ay ginagamit daw siya ng ilang online sellers at sinasabi na ang ibinebenta nilang branded bags ay pag-aari niya.
Maraming mamahaling designer bags si Jinkee tulad ng Hermes, Bulgari, LV, Chanel, Fendi, Prada, atbp..
May mga nabili rin siya na hindi na niya nagagamit dahil ‘di niya type ang kulay at design, kaya sa halip na ma-stock at matengga ay ipinabebenta niya sa kanyang trusted reseller para mabawi ang kanyang nagastos.
Ang siste, may ilang online sellers na sinasamantala ito at kapag nagbebenta ng preloved bags ay sinasabing pag-aari ‘yun ni Jinkee.
Kapag binanggit ang pangalan ni Jinkee, nakukumbinse ang mga buyers na “orig” at genuine ang branded bags na ibinebenta online.
Dahil dito, na-shocked na lang si Jinkee nang makita sa online ang mga bags na sinasabing dati niyang pag-aari. Baka siya pa ang sisihin ng mga nakabili ng fake branded bags. Dapat daw maging maingat sa pagbili ng mga ibinebenta ng mga online sellers.
Comments