top of page
Search
BULGAR

Misis ni Roque, kapag ‘di pa dumalo sa hearing, malamang ideklara ng QuadComm na pugante

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 13, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HINDI P100M, KUNDI P1M LANG ANG NAKAWIN SA KABAN NG BAYAN, DAPAT MA-DEATH PENALTY NA -- Sinabi ni CIVAC Partylist Rep. Eddie Villanueva na magsusulong siya ng panukalang batas na magpapataw ng parusang kamatayan sa mga politician at government official na mapapatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan ng P100 million.


Pambihira, eh bakit naman kailangang P100M ang ninakaw sa kaban ng bayan para ma-death penalty? Sana kahit P1M lang ang ninakaw, ma-death penalty na kasi pera ng bayan ang kinulimbat nito, period!


XXX


PANG-UNGGOY LANG SA PUBLIKO PROMISE NG MGA REELECTIONIST NA PABABABAIN NILA ANG PRESYO NG BILIHIN -- May mga reelectionist sa pagka-senador ang nangangako na naman na magsusulong ng batas para maging mura raw ang presyo ng mga bilihin.


Malinaw na ang ganitong pangako ay pang-uunggoy lang sa publiko para sila ay iluklok uli sa Senado ng mga botante, kasi kung bukal sa kanilang kalooban ang hangaring mapababa ang presyo ng mga bilihin, eh bakit hindi sila nagsulong ng ganyang panukalang batas noong unang maupo sila sa pagka-senador?


Panawagan natin sa publiko na ang sinumang reeleksyunista sa pagka-senador ang mangangako na magsusulong ng batas para maging mura ang presyo ng mga bilihin, ang dapat sa mga ‘yan ay ibasura sa halalan dahil pang-uunggoy lang sa mga botante ang ganyang promise, boom!


XXX


PANUKALA NI SEN. KOKO PIMENTEL NA BAGUHIN ANG PARTYLIST SYSTEM SA BANSA DAPAT SUPORTAHAN NG MGA KAPWA SENADOR -- Nais ni Sen. Koko Pimentel na gumawa ng panukalang batas na mabago ang kalakaran sa partylist system sa bansa, kasi kapuna-puna raw na ang karamihan sa mga naluluklok na partylist sa Kamara ay hindi kumakatawan sa marginalized sector.


Dapat suportahan ng mga senador ang panukalang ito ni Sen. Pimentel para sa mga susunod na eleksyon ay bawal nang sumali ang mga partylist ng mga trapo (traditional politician), at ang papayagan na lang lumahok ay mga partylist na totoong may nire-represent na marginalized sector, period!


XXX


HINDI LANG SI HARRY ROQUE, BAKA PATI MISIS NIYA IDEKLARA NA RIN NG QUAD COMMITTEE NA PUGANTE -- Pinatawan ng contempt ng Quad Committee ng Kamara ang misis ni former presidential spokesman Harry Roque na si Mylah Roque at dahil diyan ay asahan nang ang kasunod nito ay arrest order laban kay Mrs. Roque.


Kaya kapag sa susunod na House hearing ay hindi pa rin sumipot si Mrs. Roque ay malamang tulad ng kanyang mister na si Harry Roque ay pareho na silang ideklara ng Quad Committee na mga pugante sa Kamara, boom! 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page