ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | October 20, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_b2cdbdcf4ea644dbab5d6289fc245045~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_b2cdbdcf4ea644dbab5d6289fc245045~mv2.jpg)
Hot topic pa rin ngayon sa social media at sa showbiz ang malaking rebelasyon na naganap sa vlog ni Boss Toyo na Pinoy Pawnstars kung saan nga ay lumantad ang diumano’y 15-anyos na anak sa ibang babae ng yumaong Francis Magalona na si Gail Francesca or Cheska.
Matatandaang inilabas ni Boss Toyo nitong nakaraang Martes sa kanyang vlog ang pagpunta ni Cheska at ng kanyang inang si Abegail Rait sa kanyang shop para magbenta ng memorabilia ni Francis M.
Si Boss Toyo or Jayson Lazadas ay kilala sa showbiz bilang collector ng mga memorabilia ng mga sikat na personalidad sa showbiz. Big fan siya ni Francis M. and in fact, may nabili na siya last year na polo ng yumaong Master Rapper sa halagang P620,000.00.
Anyway, dala-dala nga ng mag-ina ang blue jersey ni Francis M. para ibenta kay Boss Toyo at sa kanilang pag-uusap ay ini-reveal ni Abegail na nagkaroon sila ng relasyon ni Francis M. at si Cheska ang bunga ng kanilang pagmamahalan.
Dahil dito ay kontrobersiyal ngayon si Boss Toyo at kabi-kabila ang gustong mag-interview sa kanya tungkol sa rebelasyong kanyang inilabas.
Sa panayam sa kanya ng mag-asawang Julius Babao and Christine Bersola sa One Ph ay sinabi ni Boss Toyo na nag-reach out siya kay Pia Magalona, misis ni Francis M., bago niya in-upload ang video.
“I did text her twice to inform her na nagpunta si Abegail and the kid and I informed her also through text that naka-schedule siya ng 8 AM to be uploaded,” kuwento ni Boss Toyo.
“So I didn’t get a response. So sabi ko, baka… I don’t know kung ano. Kasi alam ko rin 'yung mapi-feel ni Ma’am Pia about it. Alam ko naman 'yun, eh,” dagdag niya.
Nagdalawang-isip daw siya talaga kung ia-upload ang video dahil alam naman niya na may mga masasaktan 'pag inilabas niya ito.
Pero talagang kailangan niya raw itong ilabas bilang pagpapatunay din na legit ang item at totoong pag-aari ni Francis M..
“Hindi naman ako magga-gaslight na hindi ko alam na may masasaktan. Pero kasi, kahit hindi siya sa 'kin lumabas, lalabas siya, eh,” wika pa ni Boss Toyo.
Ikinuwento rin ni Boss Toyo kung paano ba nagpunta si Abegail sa kanyang shop.
“Nagpa-schedule ‘yung isang cousin na they will bring up something na magugustuhan ko. So sabi ko ‘Sige, go, schedule natin’. Binigyan namin ng schedule. That was Friday.
“Nu’ng pumunta na sila ng Friday, I was expecting talaga na Francis Magalona item lang. I wasn’t expecting na mayroong something story na ganu'n,” kuwento niya.
Kinilabutan nga raw siya nang sinabi na ni Abegail na anak ni Francis M. ang kasamang dalagita na si Cheska.
“Nakakatulala,” sabi pa ng fan ni Francis M. “Kung makikita n’yo siya personally, matutulala kayo.”
Dagdag pa niya, “'Yung mukha niya, hindi pupuwedeng ipagkaila (na anak ni Kiko).”
Nabili ni Boss Toyo ang jersey ng rap icon sa halagang P500,000.00 at ang pera raw ay gagamitin para sa pangangailangan ni Cheska na nagsisimula na rin daw umawit-awit at mag-gig or mag-perform sa iba’t ibang venues or okasyon.
留言