ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 28, 2021
KATANUNGAN
1. Ilang beses ba dapat patawarin ang isang babae bago siya tuluyang hiwalayan at palayasin sa inyong pamamahay? Naitanong ko ang mga ito dahil dalawang beses nang nagkakasala ang aking misis. Una noong nag-abroad ako, nanlalaki siya pero tinanggap at pinatawad ko siya dahil sa pakiusap ng mga biyenan ko. Pero matapos ang tatlong taon, naulit ang pagloloko niya. Sa pagkakataong ‘yun, pinatawad ko siya dahil sa awa ko sa panganay na laging umiiyak kapag nag-aaway kaming mag-asawa at naunawaan niya na maaaring masira ang aming pamilya.
2. Pagkalipas ng dalawang taon, nahuli ko siyang may ka-text na lalaki at nang minsang hindi niya alam ay pinasundan ko siya sa aking kaibigan at totoong nagkikita sila ng ka-text niya pero hindi agad ako naniwala. Sa halip, dalawang mata ko pa ang nakakita na sa tuwing katapusan ng buwan sila nagkikita at nagde-date.
3. Sa kasalukuyan, hindi pa niya alam na bistado ko na siya, kaya masusi kong pinag-iisipan ang aking plano. Sa palagay ninyo, ano ang nararapat kong gawin, katapusan na ba ito ng matagal-tagal kong sininop at binuo na sana’y isang maligayang pamilya?
KASAGUTAN
1. Kung tatlong beses nang nagkakasala ang iyong asawa, patawarin mo pa rin dahil asawa mo siya at ina ng iyong mga anak. Pero hindi porke pinatawad mo ang isang tao ay wala nang katapat na parusa. Ibig sabihin, ang bawat pagkakasala ay may kaakibat na pagpapatawad, pero sa bawat pagpapatawad, dapat may katapat na parusa.
2. Parang batas sa America, mababaw lang ang parusa kapag inamin ang kasalanan at may tinatawag silang “first, second at third offense” kung saan, sa bawat pag-ulit ng kasalanan, pabigat nang pabigat ang hatol na kaparusahan.
3. Kaya dapat noong unang nagkasala siya, pinarusahan at saka mo tinanggap. Nang nagkasala ulit, medyo parusahan mo ulit at saka tanggapin. At sa pangatlong pagkakataon, ‘wag mo nang parusahan, bagkus i-set-up mo siya habang magkasama sila ng kanyang kalaguyo at ay patulugin mo muna sila sa presinto dahil ang pangangalunya ay may mabigat na kaparusahan.
4. Kapag nagmakaawa na siya sa iyo dahil naranasan na niyang makulong at maiskandalo at humingi sa iyo ng tawad, sa puntong ‘yun, patawarin mo na siya upang muling mabuo ang inyong pamilya. Tulad ng naipaliwanag na, ‘pag pinatawad mo siya, dapat muna niyang ma-realize ang bigat ng kasalanan na kanyang ginawa habang siya ay naghihimas ng rehas.
5. Dapat mo kasing gawin ‘yun upang hindi siya pamarisan ng ibang kababaihan na may asawa, habang ang kalaguyo naman niya na tutuluyan mong makulong ay hindi na rin tutularan ng kapwa natin kalalakihan. Sa ganyang paraan, iiral ang tunay na katarungan at kaayusan sa ating lipunan.
6. Subalit kung patatawarin mo nang walang kaparusahan, mawiwili ang isang tao na paulit-ulit gumawa ng kasalanan. ‘Ika nga ng pusakal na makasalanan, “Gagawa ulit ako ng kalokohan, tutal hindi naman ako pinaparusahan ng aking asawa at parang okey lang sa kanya”. Salamat na lang at nanatiling buo at tuwid ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kahit bahagyang naputol at nagulo ang Heart Line (h-h arrow b.) na tanda na muntikan nang malagay sa panganib at paghihiwalay ang inyong relasyon, ngunit dahil sa iyong katalinuhan, pagiging makatarungan at marunong magpatawad, tulad ng sinasabi ng iyong Marriage Line (1-M arrow a.), mananatiling buo ang inyong pamilya habambuhay.
MGA DAPAT GAWIN
1. Sa lahat ng nasyon at kultura, pansinin ninyo, wala kayong makikitang batas na walang katumbas na kaparusahan. Kaya gumawa ng batas upang ang sinumang sumuway dito ay magkaroon ng kaparusahan na tinatawag. Kahit sa Sampung Utos ng Diyos at iba pang mga batas na mababasa sa Bible, palaging may kaakibat na parusa sa bawat pagkakasala.
2. Nangyari ang mga bagay na ‘yun, sapagkat nagkakaroon lamang ng katuturan ang isang batas kung sa bawat pagsuway ay may katapat na parusa. Kaya ang esensya o katuturan ng isang batas upang manatili ang kanyang pagiging batas ay ang kaparusahan na katumbas nito.
3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Daniel, walang masama sa gagawin mong diskarte ng pagbibigay-katarungan sa panloloko sa iyo ni misis. Sapagkat sa bandang huli ng bawat panloloko niya sa iyo, handa mo siyang patawarin upang manatiling buo at maligaya ang inyong pamilya, na siya namang nakatakdang maganap sa susunod na mga buwan sa sandaling nakapagpasya ka na.
Komentar