ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | February 28, 2023
KATANUNGAN
Naghiwalay na kami ng asawa ko for almost one year, but thanks to God, nagkabalikan kami nang dumating ako galing abroad at nangako siya na magbabago na at magpapakatino.
Ang kaso, dahil sa kakabasa ko sa inyong mga artikulo, lalo na sa Palmistry, napansin kong dalawa ang Marriage Line ko na pareho namang mahaba at maganda. Naisip kong magtanong kung ano ba ang ibig sabihin kapag dalawa ang Marriage Line, nangangahulugan ba ito na dalawang beses akong makakapag-asawa?
Sabagay, matino na ang mister ko ngayon at masikap siya sa buhay. Ang kaso, sa pag-aahente ko ng kung ano-anong produkto, may nakilala akong matanda at balong lalaki na nagkagusto sa akin. Mayaman at mabait siya, gayundin, ngayon ay parang nililigawan niya ako.
Natatakot ako dahil baka tuluyang magkalapit kami ng loob at mangyari ang kinatatakutan ko dahil dalawa ang nakita kong Marriage Line sa aking mga palad na ayaw ko naman mangyari. Pero sabi n’yo, hindi maiiwasan ang kapalaran, kaya baka tunay ngang nakatakda na sa akin ang magkaroon ng dalawang asawa. Kung ganu’n, wala na rin akong magagawa. Tama ba ako na kapag ang kapalaran ay nakatakda, wala kang magagawa para upang baguhin ito?
KASAGUTAN
Hindi ganu’n ‘yun! Sa halip, kapag ang kapalaran ay nakatakda, mayroon kang kakayahang baguhin ito, lalo na kung ito ay pangit o masama. Habang kung mabuti naman ang kapalaran, puwede mong ikondisyon ang iyong sarili at isipan na ang kapalaran ay talaga namang nakatakda at hindi na ito mababago pa kailanman. Syempre, ganu’n ang dapat na maging konsepto ng iyong isipan dahil ang kapalarang tinutukoy natin ay maganda.
Pero ano ba talaga ang totoo? Kaya bang baguhin ng isang tao o hindi ang kanyang nakatakdang kapalaran? Ang eksaktong sagot, depende sa guhit at texture ng iyong palad. Kapag makapal ang palad mo, tumatalbog-talbog ito kapag sinalat at kausnti lang ang mga guhit, nangangahulugang kaya mong baguhin ang kapalaran mo. Pero kapag manipis na mabuto ang iyong mga palad at saksakan ng dami ng guhit, kahit si Superman ka pa, hindi mo makakayang baguhin ang kapalaran mo.
Samantala, Ivy, mali ang iniisip mo na dalawang beses kang makakapag-asawa, sa halip, ang tama at eksaktong interpretasyon ay ganito: Hindi dalawang beses na pag-aasawa ang nais sabihin ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B., 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung titingnang mabuti, sobra ang pagkakalapit nito sa isa’t isa. Sa mas malinaw na paliwanag, halos masinsin o walang pagitan ang nasabing dalawang Marriage Line (arrow a. at b.) at halos magkapareho pa ng haba at kapal. Ang ibig sabihin ng nasabing mga guhit, iisang lalaki lang ang mapapangasawa mo, pero paglalayuin kayo ng tadhana.
Gayunman, pagkatapos ng ilang kumpol na panahon, muli kayong magkakabalikan at mabubuo ang masaya at panghabambuhay na pamilya. Ganu’n ang nangyari! Nag-abroad ka at noong nasa abroad ka ay nambabae si mister, hanggang nang umuwi ka na ng Pilipinas ay humingi siya ng tawad, muli kayong nagkabalikan, hindi ka na nangibang-bansa at ngayon ay buo at masaya na muli ang inyong pamilya.
Ang ganyang guhit ay wala ring iniwan sa dalawang magkasintahang naghiwalay nang mahabang panahon. Ngunit matapos ang mahabang panahong paglalayo, kahit malawak ang puwang sa kaibuturan ng kanilang mga puso, buo pa rin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Hanggang sa biglang dumating ang isang hindi inaasahang sitwasyon na muli silang pinagtagpo ng tadhana upang ang naunsyaming pag-ibig o true love ay siya nang maging “Love that last a lifetime.” Kaya nang muli silang nagkabalikan, naging masaya at panghabambuhay na ang kanilang pagmamahalan.
Sa kaso n’yo namang mag-asawa, tulad ng naipaliwanag na, kahit dalawa ang Marriage Line (arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang nasabing dalawang guhit ay walang iba kundi siya pa rin o ang lalaki na iyong pinakasalan at napangasawa. Naging dalawa lang ang nabanggit na guhit upang ilarawan ang pagkakawalay at muling pagkakatagpo na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Ivy, hindi nakatakda sa kapalaran mo ang muling pagkakahiwalay niyo ni mister, ngunit kung paiiralin mo ang iyong kahibangan at kung hindi mo iniiwasang makipagbolahan sa matandang balo na iyong kaibigan ngayon, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, hindi ito nakatakda sa kapalaran. Bagkus, ginagawa mo lang ‘yan kung may makapal kang palad na masarap hawakan at tumatalbog-talbog habang sinasalat.
Kapag ganu’n ang nangyari sakaling magkahiwalay kayong muli ni mister, masasabing ikaw na mismo ang pumili ng landas na ‘yun upang muling mawasak ang inyong pamilya.
Σχόλια