ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 12, 2022
Dear Sister Isabel,
Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa asawa kong OFW. Palagi niya akong pinagsasabihan na hindi ako marunong mag-ipon, gayung malaki raw ang padala niya. Hindi tuloy kami makapagpagawa ng sariling bahay at hanggang ngayon ay umuupa lang kami.
Sa totoo lang, eksakto lang ang padala niya at minsan ay kapos pa dahil sa hindi inaasahang pagkakasakit ng apat naming anak. Gayundin, lahat sila ay nag-aaral sa elementarya, at mag-isa akong nag-aaruga sa kanila, kaya hirap na hirap na ako.
Umuwi na siya rito sa Pilipinas at dito inabutan ng pandemic, kaya hanggang ngayon ay hindi pa siya makaalis at palaging sinasabi na hindi ako marunong humawak ng pera kaya hirap kami ngayon.
Pero ang totoo, sobrang matulungin siya sa mga kaibigan at kapag may nangutang ay nagbibigay siya agad, sa halip na huwag munang magpautang dahil balak naming magpagawa ng bahay.
Sa ngayon, sinuwerte kami dahil ‘yung house and lot ng kapatid kong nagtatrabaho sa abroad ay ipinaubaya na sa amin kaya may tinutuluyan kami, kaya wala rin siyang masabi.
Ano ang dapat kong gawin para tigilan na niya ang panunumbat sa akin na hindi ako marunong maghawak ng perang ipinadadala niya? Hanggang ngayon ay ako ang sinisisi niya sa aming kakapusan sa pang-araw-araw na gastusin.
Sister, sobrang sakit sa kalooban dahil palagi na lang ako ang mali. Nawa’y mapayuhan n’yo ako upang tigilan na ng asawa ko ang halos araw-araw niyang panunumbat. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Lourdes ng Camarines Sur
Sa iyo, Lourdes,
Huwag mo nang pansinin ang panunumbat ng asawa mo. Huwag ka ring makipagtalo dahil hahaba lang ang usapan at lalala ang mga pangyayari. Bagkus, lalo ka pang maging malambing sa kanya hanggang makaalis siyang muli at sa pabirong paraan, sabihin mo na suwerte siya sa iyo dahil hindi ka man nakaipon, may maayos kayong tinitirahan ngayon. Kapatid mo ang nagpahintulot at ipinaubaya ang bahay niya sa inyo. Higit pa sa sinusumbat niya sa iyong dahilan kaya hindi kayo makapagpatayo ng sarili n’yong bahay. Sa ganyang diskarte, maiisip niya na mali siya sa paninisi sa iyo tungkol sa maling paghawak mo ng perang ipinadadala niya.
Sa kabilang dako, matuto kang mag-ipon kahit P50 kada araw at maghulog ka sa alkansya. Sa isang buwan, may P1,500 ka na i-multiply mo sa isang taon na hindi pa siya umuuwi. Oh, ‘di ba, may maipapakita ka nang ipon sa kanya. Maliit na bagay lang ang problema mo na kayang-kaya mong gawin kung talagang gugustuhin mo. Iwasan mong makipagtalo dahil lalayo ang grasya sa mag-asawang hindi magkasundo. Panatilihin mo ang harmony sa inyong tahanan upang dumaloy ang mga biyaya at pagpapala.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments