ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 13, 2022
KATANUNGAN
Naisipan kong kumonsulta sa inyo dahil gusto kong malaman kung uunlad din ba ang pagsasama ng mag-asawa kahit hindi sila compatible? Gemini ang aking zodiac sign, habang ang mister ko naman ay Pisces. Sa pagkakaalam ko ay hindi ito compatible dahil ang Gemini ay air sign, habang ang Pisces ay water sign.
Sa ngayon, hirap na hirap kami sa buhay, kaya nag-apply na rin ako ng trabaho kahit hindi ko naman ito dating ginagawa. Mahirap kasi kung mister ko lang ang aasahan ko dahil maliit lang ang kanyang suweldo, kaya palaging kapos ang pantustos namin sa aming mga pangangailangan.
Nakapagtapos naman ako ng kolehiyo, pero matagal na akong nag-a-apply, ngunit hindi pa rin ako natatanggap. Ano’ng kapalaran ang nakikita n’yo sa guhit ng aking mga palad at sa paanong paraan kami uunlad at makakabayad sa mga utang?
KASAGUTAN
Kung hindi ka makahanap ng trabaho rito sa ating bansa, bakit hindi mo subukang mag-abroad? Ito ang dapat gawin ng isang Gemini, dahil siya ay nagtataglay ng ruling planet na Mercury. Tunay ngang sa pangingibang-bansa, mas uunlad at aasenso ka, na madali namang kinumpirma ng malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayundin, ito ay tanda na kung hindi ikaw ang makakapag-abroad, maaaring si mister o ang isa sa inyong mga anak na magiging daan upang makaahon kayo sa kahirapan, hanggang sa tuloy-tuloy nang umunlad ang inyong kabuhayan.
Hinggil naman sa tanong kung uunlad din ang pagsasama ng mag-asawa na hindi compatible sa isa’t isa, ang sagot ay oo. Ang totoo, may kani-kanya namang kapalaran ang bawat zodiac sign at kung ito ay susundin mo — tulad ng susuwertehin sa pag-a-abroad o pagnenegosyo ang isang Gemini — kumbaga sa pagmamaneho, ikaw ang magsisilbing giya o manibela upang marating ng inyong pamilya ang pag-unlad at ganap na kaginhawahan ng buhay.
MGA DAPAT GAWIN
Kung sadyang hindi ka matanggap sa mga local companies dito sa ating bansa, tulad ng nasabi na, Marissa, subukan mong mag-apply sa abroad, at kapag hindi ka pa rin natanggap, puwede namang si mister ang sumubok na mangibang-bansa.
Sa ganyang paraan, ayon sa iyong mga datos, tiyak ang magaganap — sa kalagitnaan ng susunod na taong 2023, magbabago na ang inyong kapalaran, sapagkat isa sa inyo ni mister ang mangingibang-bansa, at ito ang magiging daan o susi upang tuloy-tuloy nang magsimula ang isang maalwan, bago at mas maunlad na pamumuhay.
Comments