top of page
Search
BULGAR

Misis na 25 yrs. nang hiwalay sa asawa, puwede na bang magpakasal sa iba?

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 13, 2023


Dear Chief Acosta,


Halos 25 taon na kaming hindi nagsasama ng aking legal na asawa at kami ay may kanya-kanya nang buhay. Maaari ko na bang pakasalan ang bago kong kinakasama? - Rogelio


Dear Rogelio,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 349 ng ating Revised Penal Code:


“Art. 349. Bigamy. — The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”


Ayon din sa kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema na Lasanas v. People (G.R. No. 159031, 23 June 2014, Ponente: Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin) nakasaad na:


“The elements of the crime of bigamy are as follows: (1) that the offender has been legally married; (2) that the marriage has not been legally dissolved or, in case his or her spouse is absent, the absent spouse could not yet be presumed dead according to the Civil Code; (3) that he or she contracts a second or subsequent marriage; and (4) that the second or subsequent marriage has all the essential requisites for validity.”


Sang-ayon sa mga nabanggit, ang sinumang magpapakasal muli, bago pa man mapawalang-bisa sa pamamagitan ng legal na proseso ang kanyang naunang kasal, ay maaaring makulong sa kasong Bigamy. Kung susuriin, ang mga elemento ng kasong Bigamy ay ang mga sumusunod:


1. ang offender ay kasalukuyang kasal;

2. ang kanyang kasal ay hindi pa napapawalang-bisa sa pamamagitan ng legal na proseso, o kung ang kanyang asawa ay nawawala, siya ay hindi pa nadedeklarang yumao ayon sa New Civil Code;

3. ang offender ay muling nagpakasal sa pangalawang pagkakataon o higit pa; at

4. ang pangalawa o sumunod na kasal ay nag-comply sa lahat ng alituntunin ng isang valid na kasal.


Sa iyong sitwasyon, hindi mo maaaring pakasalan ang bago mong kinakasama, sapagkat hindi pa naman na-terminate ang nauna mong kasal. Dahil dito, kung itutuloy mo ang iyong planong pagpapakasal nang hindi pa napapawalang-bisa ang nauna mong kasal, maaari kayong makasuhan ng Bigamy ng iyong kinakasama.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page