ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 23, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako at ang aking asawa ay hindi na nagsasama sa iisang bubong. Kami ay may tatlong anak, kaya naman nagkasundo kami kaugnay sa halaga ng sustento.
Subalit, hindi niya ito tinutupad kahit na siya ay may trabaho sa isang pribadong kumpanya.
Gusto kong malaman kung maaari ba na makipag-ugnayan ako sa pamunuan ng kanyang pinapasukang trabaho, upang ibigay nang direkta sa akin ang bahagi ng kanyang suweldo bilang sustento sa aming mga anak? -- Liz
Dear Liz,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, at ang kaakibat nitong Implementing Rules and Regulations (IRR). Nakasaad sa Article 105 ng nasabing batas na:
“Article 105. Direct payment of wages. Wages shall be paid directly to the workers to whom they are due, except:
In cases of force majeure rendering such payment impossible or under other special circumstances to be determined by the Secretary of Labor and Employment in appropriate regulations, in which case, the worker may be paid through another person under written authority given by the worker for the purpose; or
Where the worker has died, in which case, the employer may pay the wages of the deceased worker to the heirs of the latter without the necessity of intestate proceedings…xxx”
Samantala, nakasaad sa Book Three, Rule VIII ng kaakibat nitong Implementing Rules and Regulations (IRR) na:
“SECTION 5. Direct payment of wages. — Payment of wages shall be made direct to the employee entitled thereto except in the following cases:
a. Where the employer is authorized in writing by the employee to pay his wages to a member of his family…xxx”
Malinaw na nakasaad sa batas na ang suweldo ng isang empleyado ay marapat na ibigay sa kanya lamang. Nakasaad din sa batas na ang sinumang miyembro ng pamilya ng nasabing empleyado ay maaaring tanggapin ang kanyang suweldo, alinsunod sa mga alituntuning itinalaga kaugnay rito.
Samakatuwid, ang suweldo ng isang empleyado ay eksklusibo niyang matanggap, liban lamang kung kanyang pahihintulutan ang sinumang miyembro ng kanyang pamilya na tanggapin ito. Gayunpaman, maaari kang magsampa ng kaukulang kaso sa korte kaugnay sa hindi pagbibigay ng suporta ng iyong asawa sa inyong mga anak, sapagkat ang korte lamang ang maaaring mag-utos sa isang employer kaugnay sa pagbabawas sa suweldo ng isang empleyado, partikular sa usapin ng suporta.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Kommentare