top of page
Search
BULGAR

Misis, asar sa mister na immature

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 18, 2024



Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ngayon ay tungkol sa aking asawa. Mabait at masipag naman siya, kaya lang hindi siya romantiko sa amin ng anak niya. 


Mas madami pa nga ang oras niya sa kaibigan niya. Isa rin siyang mama's boy, lumalaki na ang anak namin, ngunit wala pa rin siyang pagbabago. 


Malapit na akong mapuno, at gusto ko na siyang hiwalayan. 


Sa tuwing ino-open up ko ang aming problema, nauuwi lang ito sa pagtatalo.


Ano ang dapat kong gawin sa asawa ko? Paano ko kaya mababago ang pagiging immature niya? Limang taon ang agwat ng edad namin, 30-anyos siya habang 35-anyos naman ako.


Sana ay matulungan n'yo ko.


Nagpapasalamat,

Pauline ng Bulacan




Sa iyo, Pauline,



Nariyan na 'yan. Harapin mo ang ugali ng asawa mo, at habaan mo pa ang pasensya mo. 


Tutal ang sabi mo, mabait at masipag naman siya.  Nakukulangan ka lang sa ugali niya dahil hindi siya showy. Baka naman nakukulangan din siya sa iyo, kaya ganun? Lambingin at huwag mo siyang awayin. Habang magkatabi kayo sa kama, kausapin mo siya. Ipaunawa mo na hindi na siya bata, may pamilya na siya na nangangailangan ng kanyang atensyon at malalim na pagmamahal. 


Kulang lang din siguro siya sa pansin, baka lagi kang busy sa buong maghapon kaya hanggang ngayon ay doon siya nakikipag-bonding sa kanyang kaibigan.


Huwag mong isisi sa kanya ang lahat. Sa palagay ko ay may pagkukulang ka rin. Kapag day-off niya yayain mo rin siyang mamasyal, mag-picnic kayo, magluto ka ng paborito niyang pagkain at maglambing-lambingan naman kayo. 


Makikita mo, unti unti nang magbabago ang asawa mo. Kulang lang sa pansin iyan. Samahan mo na rin ng dasal, hilingin mo sa Diyos Ama na baguhin ang ugali ng asawa mo. Sa palagay ko, diringgin din ng Diyos ang dasal mo. 



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page