ni Thea Janica Teh | January 4, 2021
Maglalaan ng 4 na area ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga debotong dadalo sa Misa sa Quiapo Church sa Kapistahan ng Poong Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, pinayagan nito ang pagbubukas ng ilang area bilang konsiderasyon sa mga debotong gustong dumalo sa pista sa kabila ng nararanasang pandemya.
Aniya, “Doon naman sa dadako sa ating area sa Quiapo, we will make Villalobos, Carriedo, Hidalgo and Plaza Miranda available sa excess sa loob ng simbahan kasi may maximum requirement.”
Nitong Linggo, inanunsiyo ni Quiapo Church Spokesperson Fr. Douglas Badong na may ilang tradisyon ang hindi isasagawa sa araw ng kapistahan tulad ng prusisyon, salubong at pahalik upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Bukod pa rito, inanyayahan din ni Fr. Badong ang lahat ng gustong dumalo sa misa na mas mabuting pumunta na lamang sa kani-kanilang parish church imbes na pumunta pa sa Quiapo Church.
Nag-request na rin umano ang pamunuan ng Quiapo Church sa lokal na pamahalaan ng Maynila na isara ang ilang kalsada kabilang ang southern part ng Quezon Boulevard upang makapagbigay-daan sa mga deboto.
Samantala, sinabi rin ni Moreno na mamamahagi sila ng face shield at face mask sa Quiapo Church.
Comments