top of page
Search
BULGAR

Misa de Gallo, siyam na araw ng paghihintay at paghahanda

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 17, 2024



Fr. Robert Reyes

Kahapon ang simula ng Simbang Gabi at unang umaga ng Misa de Gallo. Siyam na araw na lang ng paghihintay sa Pasko. Konting hintay, puyat, sakripisyo at tunay na dasal na lang at dakilang araw na ng kapanganakan ng Tagapagligtas. 


Sa Adbiyento at Paskong ito minarapat ng aming parokya na tugunan ang panawagan ng Santo Papa na maging mga manlalakbay (pilgrims) ng pag-asa sa buong darating na taon. Ngunit amin ding nakita ang isang mahalagang elemento ng paglalakbay na ito. Sana’y maging paglalakbay na kasama at hindi katunggali ang kalikasan. Kaya’t ang tema ng siyam na gabi at araw ng paghahanda sa Pasko ng Panginoon ay “Balik-Likas, Balik-Pag-asa”.


Meron bang malalim na kaugnayan ang pag-asa sa kalikasan? Marahil ito ang isang malalim na problema sa mundo ngayon, ang kakulangan ng malalim na kamalayan at pag-unawa sa kahalagahan ng kalikasan para sa kinabukasan at kaligtasan ng lahat. Sa tuluy-tuloy na pagwasak at pagpatay sa kalikasan, hindi lang nangyayari ito sa kalikasan kundi sa tao at sa lahat ng may buhay sa mundong ito.


Napakalayo na ng tao sa kanyang kalikasan, sa kanyang likas o tunay na pagkakalikha sa kanya ng Diyos. Mula sa pagdating ng makina na dahan-dahang umulad at ganoon na lang kabilis nanaig sa mundo dahil sa teknolohiya na ngayon ay napakabilis nang umuunlad at nagbabago, mukhang sa halip na tao ang magdikta sa makina at sa computer, kabaliktaran ang nangyayari. Tao ang sumusunod at pumapanginoon sa makina at computer. Tingnan lang natin ang napakabilis na pag-unlad ng teknolohiya ng mga robot, ng “robotics” at ng “artificial intelligence” o AI.


Kaya bago tayo tuluyang maligaw ng landas at tuluyang makalimot sa ating likas na pagkatao, kailangan nating matutong bumalik sa ating tunay na pagkakalikha ng Diyos. Kailangan nating bumalik sa ating likas na pagkatao. Dapat nating magbalik-likas. At dahil siyam na araw ang pagdiriwang ng Simbang Gabi at Misa de Gallo, sinubukan naming pag-isipan at dasalan ang tema ng bawat araw.


Ang unang tatlong araw (Disyembre 16,17 at 18) ay tutukoy sa tatlong aspeto ng kalusugan. Disyembre 16, likas-hinga, mabagal at malalim na hinga, balik-baga; Disyembrte 17, likas-kilos, balik-paa; Disyembre 18, likas-pagkain, balik-gulay.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy sa dalawang aspeto ng likas na trabaho o gagawa. 


Disyembre 19, likas-katawan, balik-pawis; Disyembre 20, likas-gawa, balik-kalinga sa kalikasan.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy naman sa dalawang sangkap ng tunay at malalim na ugnayan. Disyembre 21, likas-kuwentuhan, balik-mata sa mata (face to face); Disyembre 22, likas-salita, balik-bibig, payak, tuwiran, walang gadget.


Ang susunod at huling dalawang araw,  Disyembre 23, likas-dasal, balik-loob, balik-puso; Disyembre 24, likas-dasal, balik-pamayanan, iwas-selfie.


Sa sobrang layo na natin sa kalikasan at sa sobrang layo na natin sa ating personal na sarili at kalooban, matinding pagkamatay ito. Hindi natin kailangang mamatay, ipagpatuloy lang natin ang pagkalimot sa mga bagay na napakahalaga at likas na bahagi ng ating pagkatao’t katawan, mamamatay na tayo ng unti-unti at mabilis na kapalit natin ang taong mas gugustuhin ang artipisyal at hindi totoo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page