ni Twincle Esquierdo | November 20, 2020
Sinisisi ng mga magsasaka ang black sand mining, illegal logging at illegal mining na dahilan ng pagbaha sa Cagayan. Umapela ang presidente ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na si Danilo Ramos kay House Speaker Lord Allan Velasco na isama ang black sand mining, illegal logging at illegal mining sa isasagawang House investigation.
“Comprehensive investigation ang dapat na gawin ng Kamara, dapat matapang nilang silipin ang mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining na siyang talamak sa Cagayan, dahil ito ang siyang problema at dahilan ng paglubog ng lalawigan.
"Pahayag at panawagan ng aming grupo, itigil ang black sand mining, logging at protektahan ang kagubatan at environment," sabi ni Ramos. Ayon pa sa grupo, umapela na raw sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng dredging operation sa Cagayan River.
Nakatakda namang siyasatin ng mga mambabatas ang mga posibleng hindi pagsunod sa batas, alituntunin o regulasyon na naging dahilan ng pagbaha sa Cagayan. Bukod pa sa pagmimina, ang biglang paglabas ng tubig sa Magat Dam ay nakapinsala rin sa dalawang lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Matatandaan din na dahil sa pagbaha ay maraming residente ng Cagayan at Isebela ang na-stranded sa bubong at tatlong araw na walang kain habang naghihintay na mailigtas sila. Ayon pa sa grupo, bawat isa sa 9.3 milyong magsasaka at mangingisda ang humihingi ng tulong sa gobyerno sa pamamagitan ng P15,000 subsidy at P10,000 cash aid.
Comments