top of page
Search
BULGAR

Minamanyak ng bayaw pero takot magsumbong sa mister

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 28, 2022


Dear Sister Isabel,


Isang mapagpalang araw ang bati ko sa inyong lahat d’yan sa BULGAR.


Ang problemang idudulog ko sa inyo ay tungkol sa bayaw ko na nakikitira sa amin.


Nagtatrabaho siya malapit sa lugar namin, kaya pinatira ng kuya niya sa aming bahay.

Napapansin ko na kapag hindi nakikita ng asawa ko ay kakaiba ang tingin niya sa akin at pakiramdam ko ay para akong hinuhubaran dahil grabe siya kung makatingin. Nang minsang pareho kaming nasa kusina, dinikitan niya ako at halos matsansingan na ako sa maselang bahagi ng pagkababae ko. Umiiwas na ako, pero dumadalas ang ginagawa niyang ito at kunwari ay hindi niya sinasadya.


Hindi ko naman siya maisumbong sa asawa ko dahil mainitin ang ulo niya at baka kung ano pang masama ang gawin sa kanya.


Ano ang dapat kong gawin, Sister Isabel? Sana ay mapayuhan n’yo ako.

Nagpapasalamat,

Jenny ng Malabon City



Sa iyo, Jenny,


Makabubuting kausapin mo ang bayaw mo at sabihin na igalang niya ang pagkababae mo bilang hipag niya at kung hindi ay mapipilitan kang magsumbong sa kuya niya.

Sabihin mo na hindi porke hindi ka nagre-react ay gusto mo siya. Iparamdam mo rin na ayaw mo ng ginagawa niya at kung hindi pa rin siya titigil, sabihin mo na sa asawa mo ang ginagawa niya.


Pero sa palagay ko naman ay titigilan na niya ang ginagawa niya sa iyo sa sandaling kausapin mo siya nang masinsinan. Sa tingin ko ay sinusubukan niya kung gusto mo rin siya. Kaya kung papalag ka, malamang na titigil na rin siya. Hindi natin nilalahat, pero may mga ganyang lalaki.


Gayunman, kung maaari ay ikaw na lang ang gumawa ng paraan para hindi sya ma-attract sa iyo. Alalahanin mo na lalaki ang kasama n’yo sa bahay at bayaw mo pa. Nasa iyo ang ibayong pag-iingat upang hindi mawasak ang pagsasama n’yong mag-asawa.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page