top of page
Search
BULGAR

Milyon-milyong konsyumer tanggap ang mas ligtas na alternatibo sa sigarilyo

ni Chit Luna @News | July 17, 2024



File photo

Milyon-milyong konsyumer ang lumilipat mula sa tradisyunal na sigarilyo patungo sa mas ligtas na mga produktong nikotina tulad ng vape, heated tobacco at oral nicotine pouches sa kabila ng mga mapanirang slogan at pananakot ng mga anti-vaping organizations, ayon sa mga tagapagtaguyod ng tobacco harm reduction (THR).


Ayon kay Prof. David Sweanor, isang adjunct professor of law sa University of Ottawa sa Canada na may 40 taong karanasan sa tobacco control law, maraming tao na ang nakadiskubre na ang nikotina ay hindi ang sanhi ng problema.


Nalaman nila na sila ay niloloko ng mga organisasyong laban sa mga walang-usok na alternatibo sa sigarilyo, sabi ni Prof. Sweanor sa nakaraang Global Forum on Nicotine na ginanap sa Warsaw, Poland.


Ang mga bagong teknolohiyang ito ay nagbibigay sa mga naninigarilyo ng mas hindi nakakapinsalang alternatibo na maaaring maiwasan ang milyun-milyong pagkamatay taun-taon.


Ang mga smoke-free products ay hindi nagdudulot ng usok na naglalaman ng mga nakakalason na sangkap. Ang tumataas na ebidensyang siyentipiko mula sa mga pinagtitiwalaang institusyon sa kalusugan ng publiko ay nagsabing ang nikotina ay hindi ang problema, dahil hindi ito nagdudulot ng mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.


Sa halip, ang pagsunog ng tabako ang siyang pinagmumulan ng libo-libong nakakalason na kemikal na nagdudulot ng kanser at iba pang nakamamatay na sakit.


Natukoy ng Office for Health Improvements and Disparities (OHID) ng United Kingdom mula sa kasalukuyang serye ng mga pagsusuri sa ebidensya na ang vaping o paggamit ng electronic cigarettes ay may 95 porsiyentong mas mababang pinsala kumpara sa paninigarilyo.


Kinuwestiyon ni Prof. Sweanor ang pagtanggi ng World Health Organization sa potensyal ng vape, heated tobacco at oral nicotine pouches na bawasan ang pinsalang dulot ng paninigarilyo sa kabila ng dumaraming bilang ng mga konsyumer na makakapagpatunay sa kaibahan ng mga smoke-free alternatives.


Ayon kay Prof. Sweanor, hindi maitatanggi ng WHO ang lahat ng mga taong nakakapag-quit at lumipat sa mga produktong may mas mababang panganib. Ito ay hindi nakamit ng anumang nicotine replacement therapy o NRT na isinulong ng WHO.


Ang mga konsyumer mismo ang gumagalaw at nakakilala ng benepisyo ng paglipat sa mga makabagong alternatibo, ayon kay Prof. Sweanor.


Sinabi pa niya na hindi dapat matakot ang mga tao sa bagong teknolohiya at sa kinakaharap na pagbabago.


Ang mga konsyumer, aniya, ang nangunguna sa pagbabago dahil sa paghahanap nila sa benepisyong pangkalusugan.


Dagdag niya, binabalewala din ng mga konsyumer ang mga mapanirang slogan ng anti-vaping organizations na walang batayan sa agham.


Ang merkado ng mga alternatibo sa sigarilyo ay umabot na sa $350 billion, ayon kay Harry Shapiro, executive editor ng Global State of Tobacco Harm Reduction report.


Higit sa 120 milyong tao sa buong mundo, lalo na sa mga mayayamang bansa, ang gumagamit na ngayon ng mas ligtas na mga produktong nikotina, sabi ni Shapiro.


Ikinumpara ni Prof. Sweanor ang mabilis na pagbabago sa industriya ng nikotina sa pagunlad ng mobile phone.


Kahit na may hadlang, ang mga konsyumer ay lumilipat sa mga produktong ito, dagdag niya.


Pinuna rin ni Prof. Sweanor ang mga anti-vaping group sa pagbibigay-priyoridad sa mga slogan kaysa sa mga diskarte na nakabatay sa agham.


Aniya, kung ipagpapatuloy ng mga anti-vaping groups ang pananakot, milyon-milyong tao, kabilang na ang kabataan, ang patuloy na maninigarilyo at magdaranas sa masamang epekto nito.

0 comments

Recent Posts

See All

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page