top of page
Search
BULGAR

Midyear bonus ng gov't. employees, oks na

ni Mylene Alfonso | May 15, 2023




Nakatakdang tumanggap ng kanilang midyear bonus simula ngayong araw ng Lunes, Mayo 15, ang lahat ng mga kwalipikadong tauhan ng gobyerno.


Ito ang inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) kung saan ang midyear bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay simula Mayo 15, at ibibigay sa mga karapat-dapat na lingkod-bayan na nakapagbigay ng hindi bababa sa kabuuan o pinagsama-samang apat na buwang serbisyo mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 15, 2023.


Ang mga empleyado ay dapat nakakuha rin ng hindi bababa sa satisfactory performance rating.


Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ibibigay ang midyear bonus mula sa alokasyon ng partikular na ahensya sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).


"Alam naman po natin na isa ito sa mga inaabangan ng ating mga kapwa kawani ng gobyerno na talagang makatutulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan," sabi ni Pangandaman.


"So, we are reminding all government agencies and offices to ensure the timely release of bonuses to their employees or as stipulated in our existing rules and regulations, simula May 15 po 'yan [starting May 15]," saad pa ng kalihim.


Nabatid na ang midyear bonus ay ibibigay sa lahat ng posisyon para sa civilian personnel, regular o casual, o contractual, appointive o elective, fulltime o part-time, na ngayon ay umiiral sa mga Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS), at sa local government units (LGUs).


Kabilang din sa makatatanggap ng midyear bonus ay ang mga military personnel ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng the Department of National Defense at uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of Interior and Local


Government, Bureau of Corrections ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.


Binanggit din ng DBM na ang pagbibigay ng midyear bonuses para sa mga tauhan ng mga sakop na GOCCs ay dapat desisyunan ng kani-kanilang mga governing board.


Samantala, ipapasiya naman ng kani-kanilang sanggunian ang para sa mga personnel ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad at barangay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page