ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 14, 2025
Photo: Mia ng Sexbomb / via Janiz Navida
“After Sexbomb, akala ko, katapusan ko na,” sabay malakas na tawang panimula ng dating Sexbomb dancer na si Mia Pangyarihan nang makapanayam namin sa opening ng bago niyang negosyo, ang Wassup Super Club sa Galicia St., Sampaloc, Manila last Wednesday night.
Aminado si Mia na high school graduate lang siya, pero dahil madiskarte sa buhay, aakalain n’yo bang may 25 branches na siya ngayon ng Korean-Japanese fusion resto na Yoshimeatsu?
Though hindi naman daw solo ni Mia ang resto business na ito at may mga partners siyang Chinese, proud pa rin ang dating Sexbomb girl na sinuwerte siya sa food business gayung pagsasayaw lang ang alam niya noon.
Siguro raw, ang hilig niyang kumain ang isang dahilan ng kanyang tagumpay dahil nakaka-8 meals a day daw siya. At dahil sa hilig niyang ito, nakaka-discover na rin siya ng mga bagong menu.
When asked kung bakit Wassup Super Club naman ang itinayo niya ngayon, paliwanag ni Mia, gusto naman niyang masubukan ang night life para ibang challenge naman, at para may tambayan daw ang mga kabataang nabe-burnout na sa school kaya malapit sila sa university belt.
May tatlong business partners naman si Mia dito sa Wassup, sina Lito “Mama Lits” Alejandria ng The Library, ang aktor na si John Vic de Guzman at ang volleyball player na si Jayvee Sumagaysay.
Dumating sa ribbon cutting sina Mia, Mama Lits at Jayvee, gayundin si Tita Cecille Bravo (Vice-President of Intele Builders and Development Corporation) na pinsan pala ni Mia, ang Barangay 397 Zone 41 chairman na si Thom Dacayo at si Councilor Dianne Nieto.
Kinumusta namin ang love life ni Mia at paano pa niya ito naba-balance despite her busy schedule. Happy together naman daw sila ng karelasyon niyang non-showbiz for 17 yrs. now, imagine n’yo ‘yun?
Bakit ‘di pa sila nagpapakasal? Mukhang may trauma si Mia dahil sa sagot nitong “Siguro ano na rin, sa nakikita kong nangyayari sa family, parang ganu’n lagi ‘yung fear ko na baka du’n lang din ako mapunta (hiwalayan) so ‘wag na lang.”
Pero gustung-gusto na raw niyang magka-baby, hindi pa lang sila bine-bless. At kung darating, ready na raw siya.
Natanong din namin si Mia kung posible bang magkaroon ng reunion dance concert ang Sexbomb tulad ng Streetboys. Aniya, gustung-gusto niya at excited na nga siyang sumayaw uli bago man lang daw sila maging senior citizen. Kaya lang, dahil may kani-kanya nang buhay at priorities ang mga kagrupo niya, like ‘yung ilan ay nasa ibang bansa at may mga anak na, ‘di raw matuluy-tuloy ang plano nilang magsama-sama uli.
Sa tanong kung ano’ng napi-feel niya ‘pag napapanood ngayon ang BINI na parang bagong Sexbomb, “Nakakatuwa, kasi at least, alam natin na hindi pa rin namamatay ‘yung girl group. Tangkilikin na natin ‘yung mga kapwa natin Pinoy,” sagot ni Mia Pangyarihan.
Dati, si Joshua ang crush…
QUEENAY, SPEECHLESS NANG MAKA-SELFIE SI ANDRES
Sina SingGaling SingToker Queenay Mercado, actress-comedienne Tart Carlos at Mister Tourism World Asia Pacific Best in Talent 2nd runner-up Sandro Cordova ang ilan lang sa mga naabutan naming celebrity endorsers ng SylPaulJoyce Furniture sa ginanap na Philippine International Furniture Show sa SMX Convention last March 6 to 8.
Proud Batangueña ang 23-year-old na si Queenay at nakilala raw niya si Mr. Charles Solano, owner ng SylPaulJoyce Furniture at ng Solano Hotel sa Lipa, Batangas, through her dentist.
Sobrang nabaitan daw siya agad kay Sir Charles nu’ng first meeting pa lang nila dahil napaka-down-to-earth. Kaya nu’ng kinuha siyang isa sa mga endorsers ay go siya agad lalo’t parang pamilya na raw ang turing nito sa kanya. In fact, sa ipinahiram na condo ng SylPaulJoyce Furniture owner sa BGC daw siya nag-i-stay habang nandito siya sa Maynila para sa kanyang mga showbiz commitments.
May 5.1 million followers pala sa TikTok si Queenay kaya for sure ay malaking tulong siya kay Sir Charles sa pagpapakilala ng SylPaulJoyce at Solano Hotel na mga businesses nito.
At pag-amin nga ni Queenay, ‘yung mga chairs at iba pang furniture nila sa kanyang coffee shop sa Batangas ay galing din sa SylPaulJoyce.
Samantala, masinop sa pera itong si Queenay dahil ‘yung kinita niya sa SingGaling at sa iba pa niyang nagawang TV shows at movie na Fruitcake ay in-invest pala niya sa properties at coffee shop sa Batangas.
NBSB daw siya, as in no boyfriend since birth, pero may showbiz crush naman daw siya, si Joshua Garcia, at alam daw ‘yun ng aktor nang magkasama sila sa Fruitcake movie.
Pero sa ngayon, mukhang may bagong crush at nagpapakilig sa petite na dalaga dahil nakita namin ang post niyang picture nila ni Andres Muhlach at ang caption ay: “Speechless ako!”
Hmmm… may mabuo kayang “Anay” (Andres-Queenay) love team? Anay talaga?! Nyahahaha!