ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 25, 2021
Naninindigan ang tagapagsalita ng National Task Force against COVID-19 na hindi nararapat ilipat ang Metro Manila sa mas maluwag na quarantine restrictions pagdating ng Pebrero.
Ito ay dahil pa rin sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang Kapaskuhan, kabilang ang mga kaso ng bago at mas nakahahawang variant ng sakit.
Paliwanag ng tagapagsalita, tingin niya na dapat pang manatili ang kasalukuyang quarantine restrictions hanggang sa gumanda ang datos ng mga kaso sa Metro Manila, na episentro ng COVID-19 sa bansa.
Matatandaang, kamakailan ay niluwagan na ang age restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) para payagang lumabas ang mga batang may edad 10 pataas. Kasabay nito, hinikayat ng gobyerno ang mga lugar na naka-general community quarantine (GCQ) na luwagan na rin ang kanilang age restrictions bilang tulong sa ekonomiya.
Sa totoo lang, kung sitwasyon sa Metro Manila ang titingnan, talagang hindi pa puwede. Sa halip na magluwag, mas mahigpit na implementasyon ang ating kailangan.
Kung noong mga nakaraang buwan ay dedma sa health standards ang ilang establisimyento at pampublikong mga sasakyan at terminal, ngayon ay kapansin-pansing todo-effort na rin ang ilan na makasunod dahil na rin sa kautusan ng mga lokal na pamahalaan.
Tayong mamamayan naman, magkusa na tayong sumunod at ‘wag nang maghintay ng utos dahil para naman ito sa ating kaligtasan.
Gayundin, hangad nating mabawasan ang mga batang pagala-gala, kaya panawagan sa mga magulang, bantayan ang mga bagets at ipaliwanag ang kahalagahan ng pananatili sa tahanan sa gitna ng pandemya. At siyempre, bilang mga magulang, tayo ang dapat maging ehemplo sa ating mga anak.
‘Ika nga, ‘wag nating madaliin ang mga bagay-bagay dahil mas oks maghintay at magtiis kesa naman madagdagan pa ang ating mga problema.
Tandaan nating hindi pa tapos ang ating laban kontra pandemya, kaya dapat pairalin ang ating pang-unawa at disiplina sa lahat ng pagkakataon bilang tulong sa ating gobyerno.
At pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti ang sitwasyon bago tayo magdesisyon dahil ang bawat hakbang na ginagawa natin ay may malaking epekto sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments