top of page
Search
BULGAR

MGCQ sa buong ‘Pinas, pag-aralang mabuti!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 17, 2021



Labing isang buwan matapos manalasa ang COVID-19 pandemic sa bansa, lubhang naapektuhan ang ating ekonomiya, gayundin ang iba pang sektor ng gobyerno.


Milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay dahil sandamakmak na negosyo ang tuluyang nagsara.


Kaya upang maibangon ang ekonomiya, hiniling ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa mula Marso 21.


Sa ilalim ng mas maluwag na quarantine, nais payagang makalabas ang mga nasa edad lima hanggang 70, pagdagdag ng kapasidad sa pampublikong transportasyon hanggang 75%, pagbiyahe ng mas maraming provincial bus at pagbalik ng pilot-testing ng face-to-face classes.


Dagdag pa ng NEDA, maaaring magpatupad ng localized lockdown ang mga lokal na pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng virus.


Samantala, pumalag ang dalawang alkalde sa National Capital Region (NCR) sa hiling na isailalim sa MGCQ ang buong bansa.


Kasabay nito, umapela ng mas mahabang pasensiya sa publiko ang mga alkalde habang hinikayat ang pamahalaan na ikonsidera ang payo ng mga eksperto hinggil dito.


Naninindigan din ang alkalde na mas magandang manatili muna sa kasalukuyang quarantine status dahil parating na ang bakuna.


Gayundin, ang desisyon para sa quarantine classification ay hindi lang umano dapat ibase sa mga eksperto sa ekonomiya dahil dapat ding konsultahin ang mga health experts.


Bagama’t totoong kailangang-kailangan nang bumangon ng ekonomiya sa kabila ng ating pakikipaglaban sa pandemya, marami tayong dapat ikonsidera.


Kabilang na riyan ang posibilidad ng panibagong hawaan, lalo pa ngayong may bagong variant ng COVID-19, na sinasabing mas mabilis makahawa.


Sa totoo lang, napakarami pang dapat pag-aralan at silipin, lalo na ang opinyon ng mga eksperto at lider.


Mahirap kasing basta na lang tayo magpatupad ng pagluluwag, tapos ang ending, LGUs ang sasalo ng problema ‘pag may hawaan sa kanilang nasasakupan.


Napakalaking hamon nito para sa ating lahat, pero ‘ika nga, kung magiging maingat at maagap tayo sa mga hakbang na nais nating maipatupad, magtatagumpay din tayo sa laban na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page