ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 24, 2024
Bagama’t iniulat kamakailan na naibsan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, nananatiling mabigat ang pasanin at malamlam ang bukas para sa milyon nating kababayang patuloy na pinagkakaitan ng pagkakataong makatagpo ng hanapbuhay sa kabila ng kanilang walang humpay na paghahanap.
Sa usaping ito ay akmang-akma ang kasabihang, “ang isa ay marami na.” Ang isang Pilipinong walang mahanap na trabaho ay matinding hamon na nananawagan ng pagmamalasakit ng lipunan, ng pagdamay ng mga kinauukulang sana ay makaramdam ng kanilang pinagdaraanan.
Dahil kahalubilo natin ang masa, isa na tayo sa napaparatingan ng mga nakadudurog-pusong mga pagdulog ng ilang mga nawalan ng trabaho at dumating na sa puntong said na ang kanilang kaunting naipon, samantalang pawang walang puwang sa kasalukuyan ang sagot sa kanila ng kanilang mga inaaplayan o nilalapitan.
Ganito rin ang nilalaman ng mga social media conversation sa pagitan ng mga naghahanap ng trabaho gaya ng sa Reddit at iba pang ating panaka-nakang nasusubaybayan, mga karanasang pamilyar na naikuwento na rin sa atin ng hindi kakaunting mga kakilala at kaibigan.
May isang nakatanggap ng dalawang email sa parehong araw na parehong nagsasaad na tinatanggihan siya sa kanyang isinumiteng job application na noong kanyang mabasa ay nawalan na rin siya ng ganang kumain. Apat na buwan na rin siyang panay sumite ng aplikasyon at wala pa ring nakukuhang kahit anino ng pag-asa. Aniya, nakaka-frustrate at nakakawala ng kumpiyansa ang natatanggap niyang rejection.
Mayroon namang halos kuwarenta na ang pinadalhan ng liham kalakip ang curriculum vitae o CV ngunit nananatiling walang sa kanya ay tumatanggap. Ang masaklap, karamihan sa kanyang inaaplayan ay ni hindi man lamang sumagot na hindi niya mawari kung may aasahan pa ba siya o wala na.
May isa namang napili na at nakatanggap na ng offer o alok na sahod ng kumpanya at hiling nilang kung maaari ay magsimula na siya agad sa halip na pagkatapos pa ng 30 araw. Matapos niyang magtangkang mag-negotiate ukol sa inalok na sahod ay hindi na lamang siya binalikan ng prospective employer na naghuhumangos pa namang nakipag-usap sa kanya noong una.
Samantalang ang isa ay may dalawang taon ding nag-job hunting bago natanggap sa trabaho, at sa loob ng panahong iyon ay napapaluha na lamang sa mga natatanggap na rejection emails.
Lalo nang nakakabagbag-damdamin ang sinabi ng isa na sana nga ay makahanap na siya ng trabaho dahil hanggang ngayon ay hindi pa niya sinasabi sa mga anak niya na nawalan siya ng trabaho sapagkat ayaw niya silang mamroblema habag sa pagtakbo ng bawat araw ay hindi niya na mapigilang mag-alala.
Gaya ng kanilang nagkakaisang sinasabi, sobrang ‘draining’ ang paghahanap ng trabaho sa kasalukuyan, lalo na kung may pamilya kang kailangang buhayin at mga anak na kailangang itawid sa pag-aaral.
Napakaraming kailangang ayusin sa sistema ng bansa upang dumami ang oportunidad para sa ordinaryong Pilipino at mahikayat ang mga namumuhang tumaya at manatili.
Ngunit ngayon ay marami pa ring maaaring magawa ang gobyerno para sa ating mga kababayang nangangailangan ng trabaho. Dagdagan pa ang mga job fair at job placement assistance. Buksan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno nang patas para sa publiko. Bawat isang matutulungan ay isang maisasalbang pamilyang Pilipino,
na makakatulong din sa iba para sa ikaaangat ng ating ekonomiya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments