ni Ryan Sison @Boses | Feb. 25, 2025

Hindi man ideklarang walang pasok ngayong araw, February 25, marami pa rin ang posibleng makiisa sa paggunita ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Batay sa ulat, mas dumami ang bilang ng mga paaralan na nagkansela ng kanilang mga klase bilang pakikibahagi sa ika-39 anibersaryo ng naturang okasyon, sa kabila na ‘special working holiday’ lamang ang araw na ito, base sa deklarasyon ng Malacañang.
Nauna nang nagdeklara nitong nakalipas na linggo para sa class suspension ngayong Martes ang De La Salle University, University of Santo Tomas at University of the Philippines.
Sumunod ang higit 70 unibersidad, kolehiyo, at mga high school, kung saan nagdesisyon silang kanselahin ang kanilang klase para magbigay-daan sa pagdiriwang ng mahalagang araw na ito.
Kabilang dito ang mga nasa National Capital Region (NCR) mula sa Manila, Quezon City, Mandaluyong City, Marikina City, Parañaque City, Las Piñas, at Makati City.
May ilang unibersidad, college, high school, at elementary school na mula naman sa mga lalawigan at lungsod sa labas ng Metro Manila ang nagdeklara rin ng class suspension.
Ito ay sa Cebu City, Baguio City, Pampanga, Batangas City, Lucena City, Lucena City, Puerto Princesa, Negros Occidental, Tacloban, Butuan City, Tarlac City, Alitagtag, Antipolo City, Tagbilaran City, Baggao, Cagayan, Davao Oriental, Pasig City, Cauayan City at Cavite. Sa Capas, Tarlac, bukod sa kanseladong klase, sinuspinde rin ang pasok sa mga opisina ng gobyerno.
Mahirap nang mabura sa isipan ng mga Pilipino ang mga naganap na EDSA Revolution noong 1986.
Sa katunayan, tuwing dumaraan nga ang marami sa atin sa lugar at natatanaw ang EDSA Shrine ay naaalala ang mga nangyari sa history ng Pilipinas, kung saan naipakita ng halos lahat ang pagkakaisa sa isang layunin at mithiin para sa ikabubuti ng mamamayan at ng ating bayan.
Kaya naman marahil ay ginusto ring maipalamas ng mga nasabing unibersidad, kolehiyo at paaralan ang kanilang ang pakikibahagi sa naturang selebrasyon at nagsuspinde ng klase nila.
Paalala lang sa mga kababayan na sana ang pagsasama-samang gagawin sa EDSA ay para ipagdiwang ng maayos at mapayapa ang okasyong ito habang pairalin din ang kahinahunan sa ating mga puso at iwaksi na lamang ang galit at paghihimagsik.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments