top of page
Search
BULGAR

Mga unang katulad na kaso, na-dismiss naman daw… NERI, WALANG ALAM NA IDINEMANDA, NO CHOICE NANG BIGLANG INARESTO

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 2, 2024



Photo: Neri Naig-Miranda


Naglabas ng official statement ang abogado ni Neri Naig kaugnay ng pagkakaaresto sa aktres na misis ng Parokya ni Edgar vocalist na si Chito Miranda last Nov. 23 habang ito'y nasa isang business expo sa Pasay City.


Sa inilabas na pahayag ni Atty. Aureli Sinsuat, sinabi niyang hindi na-inform si Neri sa mga kasong isinampa rito, dahil kung nalaman lang daw nang mas maaga ng dating aktres-turned entrepreneur ay nakapagbigay ito ng kanyang panig at hindi na humantong sa pagkakaaresto nito.


Pero inamin ng abogado ng aktres na 'yung mga unang "similar complaints" na naisampa laban kay Neri sa ibang korte ay na-dismiss na. 


Kaya naman positibo si Atty. Sinsuat sa sinabing, "We are confident that Neri will be vindicated of these charges through proper judicial processes."


Samantala, nu'ng Biyernes nang gabi ay dinala umano si Neri sa ospital para sa medical evaluation base na rin sa hiling ng kanyang abogado. 


Five days daw ang ibinigay sa aktres para manatili sa ospital at tapusin ang kanyang medical evaluation.


Mixed ang reaction ng mga netizens sa pagdadala kay Neri sa ospital. May mga naaawa sa aktres dahil sa stress at mental health issue na pinagdaraanan nito sanhi ng pagkakaaresto sa kanya. 


Kami man ay naaawa kay Neri sa pinagdaraanan niya ngayon lalo't may minor silang anak ni Chito na for sure, hindi pa naiintindihan kung bakit inaresto ang kanyang ina.

Pero may mga netizens din ang nanghuhusga na agad kay Neri at sinasabing style lang ito ng aktres para pansamantalang makalabas ng kulungan.


Well, sana lang ay mapabilis ang proseso ng imbestigasyon at lumabas na ang katotohanan dahil kung totoong inosente si Neri, ang sakit nga naman sa kalooban na siya 'yung nagdurusa ngayon para sa kasalanan daw ng iba. 


 

Co-singer, gustung-gustong makasama…

SARAH, INALOK ANG SARILI KAY JK



Nanood pala ang mag-asawang Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli sa nakaraang first major concert ni JK Labajo sa MOA Arena titled Juan Karlos Live na produced ng kanyang ina-inahang si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios, Inc..


Bumilib si Sarah sa galing ni JK bilang performer at "complete package" pa nga ang ginamit niyang description sa guwapong singer. 


Kaya, ang Pop Princess na mismo ang nagsabing gusto niyang maka-collab at makasama sa isang concert ang nagpasikat ng mga kantang Buwan at Ere.


Sinegundahan naman ito ni Ms. Ibyang at sinabing next week ay mag-uusap na sila ni Sarah para sa posibilidad ng collab nito with JK.


Ang bongga ni JK, ha, mismong si Sarah ang nag-request ng collab nila!

 

 

Komedyante, problemado…

MOVIE NI VIC, BAWAL SA ANAK NILA NI PAULEEN



Napanood na namin ang trailer ng The Kingdom na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na isa sa 10 official entries sa 50th Metro Manila Film Festival mula sa MQuest Ventures, Inc., M-ZET TV Productions, and APT Entertainment, Inc. at sa direksiyon ni Mike Tuviera.


Medyo nagulat pa kami dahil akala namin ay Hollywood film na mula sa Disney 'yung pinapanood naming trailer.


Seryoso at mukhang mabigat ang tema ng The Kingdom na ibang-iba sa mga fantasy at comedy films na ginawa ni Bossing Vic in the past, pero sabi nga niya, gusto naman niyang sumubok ng iba dahil minsan na ring nai-suggest ito sa kanya ng mga anak. And of course, nang malaman niyang si Piolo Pascual ang makakasama niya sa The Kingdom, bakit pa raw siya tatanggi?


Nagmistulang fan nga si Bossing Vic nang makaeksena si Papa P. dahil bilib na bilib daw siya sa galing mag-memorize ng co-actor at ang hahaba ng mga linya nito sa movie pero naiaarte pa rin nang tama at nabibigyan ng justice.


Ang problema lang daw ni Bossing Vic ay baka hindi makapanood si Tali (panganay nila ni Pauleen Luna) ng The Kingdom dahil sa MTRCB rating nito, na hopefully naman daw ay maging pang-GP o PG para makapanood pa rin ang bagets.


Tinanong namin sina Bossing Vic at Papa P. sa grand mediacon ng The Kingdom sa Novotel last Friday kung nagbago ba ang pananaw nila sa pagpasok sa pulitika matapos nilang gawin ang movie na may temang pulitika nga dahil sa issue ng pamumuno sa isang kaharian.


Natatawang sey ni Bossing, mas lalo raw niyang naisip na ayaw niyang pumasok sa pulitika in real life dahil aminado siyang kung mahirap maging pinuno ng isang kaharian sa The Kingdom, mas mahirap pamunuan ang Pilipinas, lalo na't sa nangyayari ngayon na away-away ang mga matataas nating lider sa gobyerno.


Ipinauubaya na raw niya sa kanyang kapatid na si Sen. Tito Sotto at anak na si Mayor Vico Sotto ng Pasig ang pulitika at siya ay susuporta na lang sa mga isinusulong ng mga ito.


Ganu'n din naman ang pananaw ni Piolo, ayaw niyang pumasok sa pulitika dahil makakatulong pa rin naman daw siya sa ibang paraan.


Obviously, mas masaya silang gumagawa ng pelikula tulad nitong The Kingdom na maaaring magpamulat sa kaisipan ng mga Pinoy at dumaan man ang maraming henerasyon ay magiging parte na ng ating kasaysayan.


Bukod kina Bossing Vic at Papa P., kasama rin sa cast ng The Kingdom sina Sid Lucero, Cristine Reyes, Sue Ramirez, Iza Calzado, Art Acuña, Giovanni Baldisseri, Nico Antonio, Ruby Ruiz at Cedrick Juan.


Showing na ang movie sa Dec. 25, 2024. 


 

HAPPY 33rd Anniversary sa ating pahayagang BULGAR!


Maraming-maraming salamat po sa lahat ng "Marites" na tumatangkilik sa aming mga balitang-showbiz.


At sa mga hindi pa nahu-hook sa mga showbiz chikang hatid ng BULGAR dahil ayaw matawag na Marites, well… life is short, 'wag po tayong masyadong seryoso, chika-chika rin on the side para always happy ang life, hahaha!


Mabuhay ang lahat ng Marites at pati na rin ang mga sawsawerang gustong laging in sa chika!



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page