top of page
Search
BULGAR

Mga umaasa sa community pantry, ‘wag pahirapan!

ni Ryan Sison - @Boses | April 23, 2021



Bukod sa ayuda mula sa gobyerno, kabilang sa inaasahan ng marami nating kababayan ang nagsulputang ‘community pantry’ sa iba’t ibang panig ng bansa.


Ang siste kasi, sinuman ay maaaring magbigay ng donasyong pagkain tulad ng bigas, prutas, gulay, de-lata at kung anu-ano pa, na puwede namang kunin ng mga kababayan nating walang kakayahang makabili.


Araw-araw itong dinaragsa ng mga nangangailangan para kahit paano ay maibsan ang kanilang kumakalam na sikmura.


May mga pagkakataon pa ngang hindi na naoobserbahan ang health protocols kaya kinakailangang umaksiyon ng mga barangay para maging maayos ang venue.


Kaugnay nito, kamakailan ay tiniketan ang limang katao matapos pumila nang mas maaga sa alas-5:00 ng umaga sa Maginhawa community pantry.


Binigyan sila ng isang linggo para magbayad ng P300 multa sa city hall, bagay na inako naman ng alkalde kasabay ng paalala na ‘wag nang ulitin ang paglabag.


Matatandaang ipinatutupad ng lungsod ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw matapos isailalim ang Metro Manila at karatig-probinsiya sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Samantala, ikinalungkot naman ng mga natiketan ang nangyari sa kanila at iginiit ng mga ito na sana ay itinaboy o pinagsabihan na lamang sila.


Bagama’t nauunawaan nating may umiiral na patakaran, pero sana ay ikonsidera natin ang sitwasyon ng ilan nating kababayan.


Kung tutuusin, kaya lang naman lumabas nang maaga ang mga ito ay dahil nagbabakasakaling may makuha kahit paano sa community pantry at matiyak na may makakain sila. Pero kung pagmumultahin pa ang mga ito ng P300, ano na lang ang mangyayari?


Sana ay magsilbing paalala sa mga awtoridad ang insidenteng ito na pairalin ang malasakit sa lahat ng pagkakataon.


‘Ika nga, lahat tayo ay apektado ng pandemya at iba’t iba man tayo ng pinagdaraanan, ‘wag nating kalimutan na maging mabuti sa bawat isa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page