top of page
Search
BULGAR

Mga tserman, ‘wag patulug-tulog sa pansitan, galaw galaw ngayong pandemic!

@Editorial | May 06, 2021



Kasabay ng payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na huwag nang makipagsiksikan sa mga community pantries ay ang utos sa mga barangay officials na tugunan ang kumakalam na sikmura ng kanilang nasasakupan.


Hinikayat ng Pangulo ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna, siyempre ng mga tserman na magbalot ng mga pagkain na ipamamahagi sa mga talagang hirap sa pamumuhay.


Ang tanong, narinig kaya ang Pangulo ng mga kapitan na patulug-tulog sa pansitan sa gitna ng pandemya?


Sa mahigit isang taong pakikipaglaban sa COVID-19, ilang beses na kayang nagparamdam sina kap sa kanilang mga kabarangay? Hindi naman nila kailangang magbahay-bahay dahil baka madale nga naman sila ng virus, pero baka naman puwedeng may gawin silang paraan para sa mga nagugutom at nagbubuwis-buhay sa pila ng libreng pagkain.


Hindi ba sila nahihiya o nakokonsensiya na sa ibang tao pa nanggagaling ang inisyatibo ng pagtulong imbes na sa kanila?


Kaya ang hamon sa publiko, patunayang hindi manhid o bulag para hindi makita ang mga pasaway at palpak na opisyal d’yan sa barangay — ‘wag nang paulitin sa puwesto.


Kahit batang estudyante ay alam ang kahalagahan ng barangay sa pag-usad o pagbagsak ng isang bansa. Ito ang basic unit ng gobyerno na nilikha upang mas madali, mas epektibo at mas maayos na mapamahalaan ng pamunuang sentral ang buong bansa.


Dito unang nakikita at nararamdaman ang mga bagay na nakakaapekto sa pamumuhay ng bawat Pilipino at estado ng buong bansa.


Ngayon, kung nagugutom ang bawat pamilya sa barangay at walang direksiyon sa gitna ng pandemya, dahil palpak ang mga lider na kanilang pinili at mga opisyal na itinalaga, ano’ng mangyayari sa bayan? Nganga!


Kung tapat, masipag at madiskarte sina tserman, tiyak na bibilis ang pagbangon mula sa COVID-19 pandemic, uunlad ang barangay at makakabawi ang buong bansa.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page