top of page
Search
BULGAR

Mga truck na bulok, kabaong!

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 23, 2024


Isa na namang kalunos-lunos na aksidente ang naganap kamakalawa sa Mabinay, Negros Occidental na kinasangkutan ng isang truck kung saan hindi bababa sa 15 katao ang nasawi at ilan pa ang malubhang nasugatan. 


Nakakagalit na maraming buhay na naman ang ibinuwis at maraming pamilya ang biglaang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa ganitong klaseng aksidenteng maaari sanang naiwasan. 


Base sa mga ulat, may sakay na mga hayop ang nasabing truck ngunit hindi naman maipaliwanag kung bakit may sakay ring maraming tao kahit hindi naman ito pampasaherong sasakyan. 


Aba’y tila nagmistulang masahol pa sa hayop ang sinapit ng mga kasamang naaksidente na naipit pa sa pagbaligtad ng nasabing truck. Ang 13 katao na napabalitang dead on the spot ay salamin ng labis na pagiging malagim ng pangyayari. 


Kasabay nito sa Katipunan, Quezon City, isa ring truck ang diumano ay nawalan din ng preno, nagpagewang-gewang at natumba na nagdulot rin ng pinsala at katakut-takot na abala sa kalsada. 


Ang dalawang aksidenteng ito ay malinaw na nagpapahayag ng pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon para sa mga truck na papayagang bumiyahe sa ating mga lansangan sa buong bansa. 


Karamihan sa mga truck natin ay tinatawag na “surplus” o mga “used” o luma na at converted pa, kung saan ang manibelang nasa kanan ay inilipat sa kaliwa. Sa bigat ng maaaring maging pinsala ng isang truck na ganito sa sandaling magkaaberya, aba’y dapat na pag-igihin ang mga pag-iinspeksyon at maintenance bago ito ibiyahe at hindi na lang ‘yung basta-basta ito aarangkada sa kalsada at mandadamay ng maraming buhay. 


Sana naman ay hindi piliing magtipid ng wala sa lugar ng mga kinakailangang bumili ng truck lalo na’t nagpapautang naman ang mga bangko kung bago ang kukuhaning truck na siyang gagawing garantiya sa inuutang. Hindi kagaya ng luma na hindi na maaaring gawing kolateral sa pangungutang. Iwas-aksidente na, iwas sakit ng ulo, at mas mahaba pang panahon ang itatagal ng mga bagong truck at walang kasamang problema. 


Nakakainis na lagi na lamang tayong tapunan at taker ng mga surplus, na kaya nga ayaw na sa ibang bansa ay dahil sa hindi na ito makakabuti sa kanila. Lalong nakakagalit tuwing buhay na ang ibinubuwis dahil sa mga palyadong sasakyang ganito na tila kabaong na ipinasada. 


Samantala, nananawagan tayong muli sa Department of Transportation at Land Transportation Office na pakagampanang mabuti ang kanilang obligasyon at tungkulin para hindi na maulit na parang wala lang nangyari ang malagim na mga aksidenteng ganito na napakasakit para sa mga naulila at nawalan ng tagapagtaguyod na pamilya at mahal sa buhay. 


Sa mga operator ng truck, pagmalasakitan naman ninyo ang mga mamamayan na inyong inilalagay sa alanganin sa tuwing binabalewala ninyo ang kaayusan ng truck na hinahayaan ninyong bumiyahe na lamang ng walang inspeksyon. 


Higit sa lahat, dapat lubos na panagutin ang mga naging pabaya sa mga pangyayaring ito at iparamdam sa kanila ang buong bigat ng kanilang kapabayaan. Pagmalasakitan ang taumbayan!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page