@Editorial | May 05, 2021
Bukod sa mga medical frontliners, hindi rin matatawaran ang dedikasyon ng mga guro sa paglilingkod sa bayan.
Sa gitna ng pandemya na napakaraming pagbabago at hamon, pinipilit nilang magpatuloy at makasabay upang hindi tumigil ang pagtuturo at pagkatuto.
Tulad ng mga guro ng Hubo Elementary School sa Magallanes North District sa Sorsogon, na nagbabangka, sinasagupa ang malakas na hangin at malalaking alon upang maihatid ang mga module sa mga estudyante.
May pagkakataong tumaob ang sinasakyan nilang bangka — nabasa ang mga module at lubog din sa tubig-dagat ang mga gadget at laptop. Mabuti rin at ligtas naman ang mga guro at mga kasamang volunteer teachers.
Ito umano ang madalas na insidente o nararanasan ng mga titser na nakatalaga sa mga coastal areas.
Nakabibilib ang kanilang dedikasyon at kasipagan, hindi rin matutumbasan ng anuman ang mga ganitong sakripisyo.
Marami na rin tayong narinig na kuwento tungkol sa mga guro na halos hindi na nagpapahinga para matutukan ang pagtuturo. Umabot na rin sa sila na mismo ang gumagastos para sa mga materyales na gagamitin upang mas maunawaan ng mga estudyante ang aralin.
Masasabing kabilang sila sa mga lingkod-bayan na tila hindi masyadong nakukumusta sa gitna ng pandemya. Nang magpasya ang gobyerno na ituloy ang pasukan sa kabila ng mga problema o kakulangan na puwedeng harapin, walang ibang inisip ang mga guro kundi suportahan ito at tanggapin ang hamon.
Sana, ganundin ang maging pagtanggap ng pamahalaan sa kanilang mga hinaing. Ang pagtugon sa mga pangangailangan sa pagtuturo ay malaking bagay na upang gumaan kahit paano ang kanilang sitwasyon.
Comentarios