ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 09, 2021
Umarangkada na ang ilang face-to-face classes sa ilang mga piling eskuwelahan.
Excited ang marami na nagsipasok at iba lang talaga ang pag-aaral na nagkikita ng harapan ang mga guro at estudyante.
So, far, wala namang naranasang aberya sa pagsisimula nito dahil mahigpit na ipinatupad ang mga health protocols.
Tulad nga ng sinasabi ng ilang local officials, kung sa mall, napapayagan ang paggala ng mga bata, bakit hindi maipatupad ang face-to-face classes na mas istrikto ang safety protocols?
Pero meron lang ilang pumalag na tila late ang anunsiyo na hindi na muna pagtuturuin sa face-to-face ang mga gurong hindi bakunado.
Daing nila, may mga lugar naman na halos wala nang naitatalang kaso ng COVID-19, lalo na sa mga probinsuya.
Lalo pa ang mga nasa kabundukan pa nagtuturo at naghahatid ng mga module ng mga bata na ang iba ay tumatawid pa ng ilog para puntahan ang mga estudyante.
Sa ganang atin lang, kumbaga sa granular lockdown, hindi puwedeng lahatin ang isang patakaran.
IMEEsolusyon — since napakaayos namang kausap ng ating Deped Secretary Leonor Briones, pakiusap natin, ibase sana ang policy na ito depende sa lugar na may mataas o mababang kaso ng COVID-19.
‘Ika nga, hindi naman puwede ‘yung one-size-fits-all, ‘di ba?
Plis, payagan sana ang mga gurong unvaccinated na makapagturo ng face-to-face sa mga lugar na hindi gaanong maraming kaso o halos wala nang COVID-19.
‘Yung iba natin kasing guro, nakapila pa sa bakuna. Hindi naman kasi agad-agad nararating ang malalayong probinsiya ng mga bakuna.
Malaking menos sa pagod ng mga guro ang makapagturo ng face-to-face. Basta sisiguraduhin lang na nasusunod ang mahigpit na health protocols. ‘Di ba?
Comentarios