ni Ryan Sison @Boses | Mar. 10, 2025

Panahon na siguro para mabawasan ang mga trabaho na iniatang sa mga pampublikong guro upang sila ay makapag-focus na sa kanilang pagtuturo.
Ayon sa Department of Education (DepEd), magre-renew sila ng mga kontrata at kukuha ng 7,062 administrative support staff sa mga public school sa buong bansa upang mapagaan ang mabibigat na workloads ng mga guro.
Ang inisyatibang ito ang mag-aalis ng mga non-teaching tasks mula sa mga guro, na magbibigay-daan sa kanila para tumuon sa kanilang pangunahing responsibilidad ng pagtuturo.
Alinsunod din ito sa Department of Order No. 002, S. 2024, kung saan nag-uutos ng agarang pagtanggal o “immediate removal” ng mga administrative tasks mula sa mga guro ng pampublikong paaralan.
Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang mga guro ay nakabilang sa loob ng silid-aralan at hindi nasa likod o nag-aasikaso ng papeles. Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng pagtiyak na bawat paaralan ay mayroong kinakailangang support staff, gumagawa sila ng isang konkretong hakbang tungo sa pagbuo ng tinatawag na learning environment na mas nakatutok, epektibo at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
Aniya, ang pondo para sa mga karagdagang personnel ay magmumula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Habang ang mga aplikante ay dapat senior high school graduate at taglay ang pangunahing administrative skills, kabilang ang kaalaman nito sa paggamit ng Microsoft Office.
Hindi naman nire-require ng kagawaran kung may work experience o karanasan sa trabaho o pagsasanay.
Para sa proseso ng renewal, ipinaliwanag ng DepEd na ang kasalukuyang mga Contract of Service personnel ay dapat nakamit ang mga inaasahang performance, base sa kanilang Terms of Reference at evaluation ng kani-kanilang Schools Division Offices (SDO).
Ayon pa sa kagawaran, sasailalim ang mga bagong hire sa proseso ng pagpili, kabilang ang pag-review ng mga credentials nila at mga interview na isinasagawa ng mga school heads at SDO.
Mas mapapabuti ang kalagayan ng ating mga guro kung tuluyang mawawala na sa kanila ang mga naturang administrative task at mga paperworks. Mas matututukan na rin nila ang pagtuturo at pagsasanay sa mga mag-aaral habang hindi na mahahati ang kanilang mga oras sa paggawa ng mga lesson plan.
Sa totoo lang, hindi naman talaga tama para sa mga guro na bigyan sila ng napakaraming workload dahil nakakaubos rin ito ng lakas at nakaka-stress pa.
Kailangang mabigyan din sila ng panahon para magkapagpahinga at maka-relax, hindi iyong kadalasan ay iniuuwi pa nila ang kanilang trabaho sa kanilang tahanan.
Sa kinauukulan, sana ay agad na maipatupad ito at nang maipasa na rin ng mga guro ang naturang mga trabaho sa nararapat na personnel.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments