ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 20, 2021
Dahil lumuluwag na ang mga community quarantine, kahit malayu-layo pa ang Pasko at hindi pa nga sumasapit ang paggunita sa Undas, payagan na natin ang operasyon ng mga tiangge. Bakit 'kanyo? Aba, eh, para naman pandagdag-trabaho sa ating mga kababayan.
Ang sabi nga ng DTI, wala namang pagbabawal ang IATF sa operasyon ng mga tiangge. At bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, it's about time na bigyang-pagkakataon din ang maliliit na negosyante na kumita. Tulong din ito sa paunti-unting pagsigla ng ating ekonomiya.
Kadalasan, eh, huling linggo ng Nobyembre nag-uumpisa nang magsulputan ang mga tiangge para sa Holiday Season o Kapaskuhan. Pero this time, kung maaga natin silang papayagang magbukas kahit nga wala pang Undas, magkakahanapbuhay na sila at kikita na.
Saka, pabor din 'yan sa ating mga konsiyumer o mamimili, 'di ba? Kasi kung maagang makakapamili ang ating mga kababayan para sa Kapaskuhan, eh, makakamura sila at menos gastos. Kasi nga, pagsapit ng Disyembre, dumodoble na ang presyo ng mga bilihin.
Agree naman ako sa hirit ng DTI na ang mga LGUs na ang dapat magdesisyon per barangay sa pagbubukas ng mga tiangge, dahil sila ang nakakakita sa dami ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan. Eh, kung nakikita naman nila na maglalagay lalo sa peligro sa virus ang tiangge, eh, 'di 'wag na.
Hindi rin kasi tayo dapat maging kampante kahit bumaba na ang COVID-19 cases, dahil nand'yan pa rin ang nakaabang na virus at anumang oras, eh, puwedeng maging sanhi ito ng panunumbalik ng paglobo ng numero ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit, 'di ba?!
IMEEsolusyon naman d' yan, dapat obligado ang maliliit nating mga negosyante na makipag-koordinasyon sa kani-kanilang LGUs kung papayagan sila at kailangang matiyak na maipatutupad dito ang istriktong 'minimum public health standards'.
Sakaling aprubado ng LGUs, maiging makapagtakda agad ang mga lokal na pamahalaan ng kani-kanilang guidelines na dapat istriktong masusunod ng mga may tiangge at mga mamimili. Kailangang istrikto, ha? Dahil kung hindi ang inyo ring komunidad ang magdurusa sa COVID-19, 'di ba?!
IMEEsolusyon naman sa seguridad na magsisigurong masusunod ang health protocols, pagtulungan na ng ating kapulisan at mga barangay tanod ang pagbabantay sa mga pasaway sa social distancing at face masks. Plis 'wag na kayong malilingat dahil buhay ng bawat isa sa inyong komunidad ang nakataya. Agree?!
Kommentarer