top of page
Search
BULGAR

Mga tatakbo sa Mayo 2025, sila na naman, wala na ibang iba?

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 30, 2024



Fr. Robert Reyes

Sa loob ng ilang araw magsisimula na ang opisyal na pagrehistro ng kandidatura sa iba’t ibang posisyon para sa darating na halalan sa Mayo 2025. 


Nagsimula nang lumabas ang sari-saring line-up ng mga opisyal na listahan ng kandidato sa Kamara at Senado ng iba’t ibang partido. Heto na ang nakalulungkot at nakadidismayang sandali nang magsipaglabasan na naman ang mga pangalan at mukha ng mga hindi na mapalit-palitang kandidato. Lilitaw na naman ang mga dating pangalan na tatakbo bilang gobernador, mayor, senador, kongresista, mga kandidato sa partylist at iba pa. Maririnig na naman ang paulit-ulit na refrain na, “sila na naman, laging sila, wala na bang iba?”


Huwag na tayong magtaka kung bakit pare-parehong apelyido, mukha, partido, reputasyon, motibasyon ang nakikita natin. Tuwing pagpaparehistro ng kandidatura, tuwing kampanya at tuwing araw ng halalan, alam na ng lahat kung ano, paano at bakit tumatakbo ang ating pulitika. Pera, koneksyon, makinarya, padrino-padrina, sari-saring paraan ng “vote-buying” mula paglikha ng napakalaking grupo ng mga “volunteer” na malayo pa ang halalan ay nag-iikot na at kung anu-ano ang ginagawa para kay mam, sir na kandidato hanggang sa mga sari-saring pagbibigay tulong o ayuda sa mga matatanda, may sakit, patay, walang pambayad ng matrikula, walang trabaho, walang ganito, walang ganoon o anumang wala basta lapit lang kay sir, mam na kandidato at hindi kayo mabibigo. 


Ngayon pa lang kasi “maaasahan na si mam, sir na kandidato” eh, kaya huwag kayong mag-atubiling lumapit, tutulungan at aayudahan kayo ni mam, sir na kandidato. Hindi ba ninyo nakikita lab na lab kayo ni mam, sir na kandidato?


Ganito pa, pista, walang tigil o unli-kain, gala, ayuda ang panahon ng kampanya. Talo ang anumang fiesta na tumatagal ng isang linggo. Ang panahon ng kampanya ay mahigit pitong buwan mula Oktubre hanggang Mayo. Tamang-tama ang kantang “Tayo na sa Antipolo”. Parang ganito ang tunog nito kapag kampanya at halalan:


Tayo na sa kandidato, at sa kanya manghingi tayo.

Sa kanya na kung tawagin

Ay hi-hi-hihingang walang tigil at tayo

Na sa kandidato…

 

Ang saya-saya ‘di ba. Parang pasyal lang sa Antipolo ang pulitika sa ating bansa. Habang namamasyal lahat ay masagana. Pagkain at sari-saring inumin mula tubig hanggang soft drinks, maging “agua de pataranta”. At unli ring sitsiryang kinukutkot sa gitna ng kuwentuhan at tawanang walang humpay. At huwag kalimutan ang “giveaways” mula ballers hanggang mga sombrero at siyempre t-shirt na may mukha ni mam, sir na kandidato. 


O ‘di ba ang saya-saya at ilang buwan ding merong “allowance” ang mga “volunteers”? Mula sa bibig ng mga “volunteers” ay maririnig mo ang maagang panghihinayang na sana’y hindi ito matapos. Kay saya pala ng panahon ng kampanya, ang panahon ng halalan. Sana’y ganito rin ang buhay pagkatapos at nanalo na ang dapat manalo. Sana rin manalo ang aming kandidato para siyempre, tuloy ang ligaya. 


Ano nga ba ang kuwalipikasyon ng kandidatong pinaglilingkuran ko? Mahalaga pa ba ang tanong na ito? Sino nga ba sa kanila ang may tunay na kuwalipikasyon at kakayahan? Tingnan mo na lang ang mga tumakbo at nanalong senador, ganoon din sa Kamara. 


Sa mga lalawigan, bayan at siyudad, hindi ba’t ang pinakamahalagang kuwalipikasyon ay hindi ang kakayahan, integridad, mabuting reputasyon, pagkataong marangal at kilalang ugali at halimbawa ng taong marunong maglingkod, atbp? 


Hindi ito ang hinahanap ng maraming botante na nasanay na sa karaniwang kalakaran tuwing kampanya at araw ng halalan. Pista ba ang pagsuporta sa kanya? Marami ba siyang ilalargang pondo para sa amin? Bago pa maghalalan marami na siyang naipamigay at sa araw ng halalan siya ang pinakamalaki ang “iniaayuda” sa kanyang mga botante.


Sa paglilingkod, mabuti at tapat ba sa pamamahala? Malinis at lantad sa paggamit ng pondo? Ano ba ang lahat ng ito? Makakain ba ‘yan?

Iniisip ng marami na basta’t may pakinabang siya sa amin ngayon, iyon lang ang mahalaga. Walang silbi ang mangarap dahil sanay na kaming sila at sila lang ang nananalo at namumuno sa amin. Pare-pareho lang naman ang mga kandidato.

Sinuman ang ilagay mo ay pareho ang gagawin. Walang pagbabago dahil ganito na tayo noon, ganito rin bukas.


Mawalang galang mga kababayang botante at kandidato. Hindi pista ang kampanya at halalan. Hindi lang ngayon ang mahalaga kundi ang kinabukasan. Hindi natin tanggap ang nakalalasing at nakabubulag na alak ng “trapong pulitika.” 

Meron at merong matitinong kandidato. Meron at merong tunay at mapagpalayang pulitika. Hahanapin at papandayin natin ito. Kailan, paano, bakit? Ngayon na. Magbahay-bahay, pami-pamilya, bara-barangay. Dahil malaya tayo, hindi bayaran at sunud-sunuran sa kaninuman.


Gising na mga botante. Hindi sila kundi tayo ang pipili. Hindi sila ang may-ari ng puwesto, kapangyarihan at pondo ng lugar na kanilang pinaglilingkuran. Hindi natin kailangan ang kanilang ayuda kung mababago natin ang sistemang kanilang hawak. 

Malaya’t marangal tayong mamamayan. Ang pera at kapangyarihang hawak nila ay mula sa atin at hindi sa kanila. Hindi dapat bigyan ng kapangyarihan at pondo ang hindi karapat-dapat.


Kamamatay lang ni Coritha. Alalahanin ang mga titik ng kanyang kanta:


May bulong dinggin mo

Ihip ng ating panahon

May sigaw dinggin mo

At ubos na ang oras mo

Oras na magpasya

Kung saan ka pupunta

Oras na oras na

Mag-iba ka ng landas.



Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page