ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 27, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Sheep o Tupa, na tinatawag ding Goat o Kambing ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015 at 2027, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Sheep o Tupa at tinatawag ding Goat o Kambing.
Ayon sa mga sinaunang Chinese, isa ang Tupa o Kambing sa pinakamapalad na animal sign dahil ang nakatakda sa kanya ay kahit hindi gaanong magpakahirap o magsipag, dahil mabait siya at may mabuting kalooban, ang langit ang nagpo-provide ng lahat ng kanyang mga pangangailangan. Kaya naman kung makakita ka ng isang Kambing o Tupa na mabait, masikap at masipag, tiyak na siya ang Tupa na yayaman, dahil bukod sa sadyang binibigyan naman talaga siya ng langit ng lahat ng kanyang mga pangangailangan ay nadaragdagan pa niya ito sa sarili niyang pagsisipag at pagsisikap. Kaya naman sinasabing kung matututong mag-ipon ang isang Tupa o Kambing para sa future bago magbigay nang mabigay, tiyak na siya ay yayaman.
Ang problema lamang isang Tupa o Kambing, tulad ng nasabi na, masyado siyang mabait at palabigay, lalo na sa kanyang mga kamag-anak at mga taong alam niyang labis na naghihirap, kung saan kahit gusto talaga niyang yumaman ay dapat niya itong kontrolin o hinay-hinay lang sa pagiging matulungin at mapagbigay. Dahil minsan, pati ang mga taong hindi karapat-dapat bigyan at tulungan ay nabibigyan pa niya kung saan sa bandang huli, siya pa ang pinapalabas na masama at inaaway.
Sa pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa kapwa, ang Tupa o Kambing ay masarap na kaibigan dahil kapag namomroblema ka, tiyak na ikaw ay ico-comfort, dadamayan at aasikasuhin niya. Kumbaga, madarama mo talaga ang simpatya at pagmamahal niya sa iyo na para bang siya na ang namumroblema para sa iyo.
Ang Tupa o Kambing ay masarap ding magmahal, nakikinig sa iyong mga problema at mahusay din siyang mag-advice. At hindi lang pagpapayo ang ginagawa niya, bagkus, kung siya lang ang masusunod, mararamdaman mong siya na ang mag-isang magbibigay-solusyon sa iyong problema.
Sa pag-ibig, ang Tupa o Kambing ay itinuturing na hopeless romantics dahil grabe at matindi talaga siya kung umibig. Kapag minamahal niya ang isang tao, tapat niyang mamahalin ito. Sadya ring maalalahanin ang isang Tupa sa panahong may okasyon o selebrasyon kung saan, hindi puwedeng hindi ka niya regaluhan o batiin man lang. Kaya kung magiging karelasyon o asawa mo ang isang Tupa o Kambing, tiyak na kapag nasa bahay kayo o saanman lugar, habang kayo ay nagsasama, damang-dama mo ang kanyang pagmamahal at pang araw-araw na presensya.
Ganundin sa pamilya, kung saan labis-labis na pinahahalagahan ng isang Tupa ang kanyang pamilya dahil para sa kanya, pamilya ang dapat bigyan ng higit na prayoridad kaysa sa anumang bagay.
Kaya sinasabing para sa Tupa o Kambing, ang tunay at wagas na ligaya sa mundong ito ay masusumpungan lamang sa isang nagkakasundo, nagmamahalan at masayang pamilya, na ‘yun naman ang talagang hinahangad at madalas na nangyayari sa buhay at kapalaran ng isang Tupa.
Itutuloy
Comments