ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 1, 2020
Doc. Shane,
Ano ba ang tinatawag na micral test? Ito kasi ang test na kailangan umanong gawin sa tatay ko. Subalit dahil sa lockdown, hanggang ngayon ay hindi pa niya napapagawa at natatakot siyang pumunta ng hospital. - Aris
Sagot
Ang urine micral test ay test kung saan sinusuri kung may kaunting protina o albumin sa inyong ihi. Ang ‘micral’ ay pinaiksing tawag sa “microalbumin” o kaunting albumin. Kung magpapagawa ng simpleng urinalysis, puwede ring makita kung may albumin o protina sa ihi. Pero nagiging positibo lamang ang protina sa urinalysis kung higit na sa 300 mg ng protina ang nasa ihi. Hindi makikita sa ordinaryong urinalysis kung ang protina sa ihi ay nasa pagitan ng 30 hanggang 300 mg lamang. Kung ganito lang karami ang protina sa ihi, makikita lamang ito kapag nagpagawa ng urine micral test.
Sino ang dapat magpagawa ng urine micral test?
Ang mga may diabetes na walang protina sa kanilang urinalysis, para malaman nang maaga kung may problema sa bato (kidneys). Kung positibo na sa protina sa urinalysis ay hindi na kailangang magpagawa ng micral test. Maaaring magpagawa ang doktor ng ibang tests tulad ng 24-hour urine collection o urine albumin to creatinine ratio.
Wala namang problema kahit lockdown, may laboratoryo naman na gumagawa nito kung ayaw pumunta ng hospital ang iyong tatay.
Comments