top of page
Search
BULGAR

Mga taga-gobyerno na astang hari sa daan, tuluyan

@Editorial | Abril 13, 2024



Bukod sa malalang trapik at sira-sirang kalsada, isa sa nakakapag-init pa ng ulo ay ang mga astang hari sa lansangan.


Sila ‘yung mga kapalmuks na taga-gobyerno na ayaw na naiipit sa trapik kaya gumagamit ng sirena, blinkers at iba pang signaling o flashing devices.


Ang nakalulungkot, tila walang magawa ang mga otoridad partikular ang mga traffic enforcers. Sa halip na harangin at hulihin, may pagkakataon na sila pa ang humahawi sa ibang motorista para magbigay ng daan sa mga VIP kuno.


Pero, ngayong ipinagbawal na sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na gumamit ng wang-wang, blinkers at ibang katulad na devices, tingnan natin kung may matigas pa rin ang ulo na susuway.


Batay sa Administrative Order No.18, ang hindi otorisado at pagkalat ng wang-wang at iba pang devices ay nagdudulot ng pagkaantala ng trapiko at hindi ligtas na mga kalsada at kapaligiran.


Samantala, hindi naman sakop ng direktiba ang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), fire trucks, hospital ambulances at iba pang emergency vehicles.


Kasunod nito, magsasagawa umano ng crackdown ang PNP laban sa mga motorista na patuloy na gumagamit ng sirena at blinkers.


Paalala, hindi lang mga taga-gobyerno ang bantay-sarado kundi lahat ng nasa kalsada.


Sa ilalim ng PD 96 walang penalty sa mga first offense subalit, kukumpiskahin ang mga blinkers habang may criminal liability na sa ikalawang offense at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan. Hindi rin ligtas ang mga nagbebenta ng wang-wang at blinkers.


Apela sa ating mga lider at kinatawan sa gobyerno, bilang tayo ang nagpapatupad ng batas, magsilbi sana tayong ehemplo at hindi 'yung pasimuno pa ng pagpapasaway. 


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page