Hustisya para sa namatay na si G. Erive, wa’ pa rin
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 11, 2023
May isang tao na nagpahiram na nga ng pera, siya pa ang hinatulan ng murder sa mababang hukuman sa pagkamatay ng taong humiram ng pera sa kanya.
Ang nangyari sa kanya ay isang trahedya, ganundin sa isang tao na magbabayad na sana ng utang, ngunit siya ay binawian ng buhay sa kamay ng taong pumaslang sa kanya.
Ganito ang nangyari kina Jesus Borromeo at Dondon, akusado at kliyente ng Public Attorney’s Office (PAO) na nahatulan ng murder sa kasong People of the Philippines vs. Jesus Borromeo y Garduque at Dondon (CA G.R. CR-HC No. 14396, October 21, 2021, Ponente: Honorable Court of Appeals Associate Justice Raymond Reynold R. Lauigan [4th Division]), at G. Ernest Andrew Erive (G. Erive), ang biktima na binawian ng buhay sa nasabing kaso.
Sa tulong ng PAO, napawalang-sala si Dondon, dahil ayon sa Court of Appeals (CA), hindi naging sapat ang ebidensya na isinumite ng prosekusyon. Bagama’t natuldukan na ang mapait na kabanata sa buhay ni Dondon, ang namatay na biktimang si G. Erive ay dumadaing pa rin ng kawalan ng katarungan. Narito ang kuwento kaugnay ng nasabing kaso, kung saan ay pangunahing mga tauhan sina Dondon at ang yumaong si G. Erive.
Ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hangga't hindi nabubuwag ang makat’wirang pag-aalinlangan o reasonable doubtna siya ang may kagagawan ng krimen na ibinibintang sa kanya. Kung hindi makakapagpresenta ang prosekusyon ng matibay at konkretong ebidensya ay nangangahulugan na kawalan ito ng hustisya para sa biktima.
Noong Pebrero 3, 2019, natagpuan si G. Erive sa kanyang tinutuluyan na duguan at mayroong nakasaksak na kutsilyo sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo. Ang tinamong saksak ang siyang naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Ang itinurong pumaslang sa kanya ay sina Jesus Borromeo at Dondon.
Ayon sa saksi ng prosekusyon na si Lorenzo Tubongbanua, noong madaling araw ng Pebrero, 3, 2019 ay mayroon siyang nakitang tatlong lalaki, lulan ng tricycle, na huminto sa tapat ng condominium building kung saan nakatira si G. Erive. Ang isang lalaki ay bumaba sa naturang tricycle at pumanik habang ang dalawa ay nanatili sa labas. May lima hanggang sampung minuto ang nakalipas ay bumaba na rin ang lalaki at ang tatlo ay umalis.
Makalipas ang sampung minuto ay muling bumalik ang tatlong lalaki. Nang tanungin si Tubongbanua ang lalaki na naunang umakyat kung alam niya kung nasaan si G. Erive, sinabi nito na tawagan na lamang si G. Erive kung mayroon siyang cellphone, sabay tumalikod ang lalaki. Nang umagang iyon, nabalitaan niya na pumanaw na ito.
Ang kapatid ni G. Erive na si Anthony Erive, ay nakatira sa ibabang baitang ng parehong gusali, ay tumayo ring saksi. Nakarinig diumano siya ng mga tumatakbo sa baitang kung nasaan naninirahan ang kanyang kapatid ngunit hindi niya ito pinansin sapagkat madalas diumanong may pumupunta at naghahanap sa kanyang kapatid. Nalaman na lamang niya ang nangyari kay G. Erive dahil sa tawag ng kanilang tiyahin. Pinuntahan niya si G. Erive at nakita ang malagim na sinapit nito. Sinabi diumano sa kanya ni Lord Natividad na si Dondon ang huli niyang nakita na kasama ng biktima.
Ayon din sa testimonya ni Natividad, saksi ng prosekusyon, nilapitan diumano siya ni Dondon noong araw ng insidente at humihingi ng tulong dahil may saksak diumano si G. Erive, agad nila itong pinuntahan at nakita itong nakabulagta at mayroong saksak sa ulo. Ipinaalam sa kaanak ni G. Erive ang sinapit niya at nang dumating ang mga pulis at opisyal ng Barangay, ibinigay ni Natividad ang pangalan ni Dondon.
Batay naman sa bersyon ng inakusahan, bandang 11:00 ng gabi noong Pebrero 2, 2019 ay nakatanggap siya ng text message mula kay G. Erive na pinapupunta siya sa tinutuluyan nito upang maibalik ang pera na hiniram niya.
Alas 12:30 ng madaling araw ng Pebrero 3, 2019, sakay ng tricycle ay nagpunta si Dondon sa nasabing gusali kasama ang kanyang kaibigan na si Robert Gazon. Si Dondon lamang ang umakyat, habang si Robert na nagmamaneho ng tricycle ay nanatili sa labas. Pagpasok niya sa tinutuluyan ni G. Erive ay nakita niya itong nakahiga sa kama at duguan. Agad siyang humingi ng tulong sa dalawang lalaki na nakita niya sa ibabang baitang ng gusali ngunit hindi siya tinulungan.
Pumunta siya sa kalapit na paresan at doon nakita si Natividad na hiningian niya ng tulong.
Pinuntahan nila ang duguang si G. Erive. Nang makita ni Dondon ang isang kaanak ni G. Erive at nang dumating na ang mga pulis sa crime scene ay umuwi na si Dondon.
Nalaman na lamang ni Dondon kinaumagahan na hinahanap siya ng Barangay Tanod, kung kaya’t noong hapon ng araw na iyon ay nagtungo siya sa Barangay Hall subalit wala diumano roon ang naturang tanod.
Binanggit niya sa Barangay ang sinapit ni G. Erive ngunit sinabihan siya na sa pulis magpatala.
Kung kaya’t nagpunta si Dondon sa presinto. Laking gulat na lamang niya nang bigla na lamang siyang pinosasan.
Mariing itinanggi ni Dondon ang bintang sa kanya, subalit kalaunan ay hinatulan siya ng Regional Trial Court (RTC) ng reclusion perpetua at pinagbabayad ng danyos para sa mga naulila ni G. Erive.
Hindi tanggap ang naturang hatol, umapila si Dondon. At sa masusing pag-aaral ng CA sa kanyang apila, pinawalang-sala si Dondon sa krimen na murder.
Ayon sa CA, hindi naging sapat ang ebidensya na isinumite ng prosekusyon. Binigyang-diin ng hukuman na mahalagang mapatunayan ang bawat elemento ng krimen at kinakailangan ding lubusan at tiyak na mapatunayan kung sino ang gumawa nito.
Balewala na matukoy ang krimen kung hindi naman positibong matutukoy kung sino ang salarin.
Bagama’t mayroong mga testimonya at ebidensya na isinumite ang prosekusyon, ang mga ito ay hindi direktang tumutukoy kay Dondon bilang salarin. Ang mga ito, ayon sa CA, ay maituturing lamang na circumstantial evidence na sa huli, ay hindi rin sapat para maalis ang makat’wirang pag-aalinlangan sa isipan ng hukuman na si Dondon ang kumitil sa buhay ni G. Erive.
Ipinaalala ng CA na ang presensya ng akusado sa pinangyarihan ng krimen ay hindi nangangahulugan na siya na ang gumawa nito. (Citing People of the Philippines vs. Rex T. Canlas, G.R. No. 141633, December 14, 2001) Nakita rin ng CA na mayroong posibilidad na ibang tao ang pumaslang kay G. Erive dahil mayroong ibang mga tao ang umuukupa sa gusali kung saan naninirahan si G. Erive, na ang pinangyarihan ng krimen ay itinuturing na common area na walang harang o pinto na madadaanan bago makapunta sa kuwarto ni G. Erive, at wala ring katibayan na si Dondon lamang ang pumasok sa nasabing gusali dahil mismong sa testimonya ni Anthony ay kadalasan na mayroong pumapasok at lumalabas sa lugar na iyon at hinahanap ang kanyang kapatid.
Taliwas din diumano ang mga ginawa at ikinilos ni Dondon para sa isang taong gumawa ng krimen. Kung siya talaga ang salarin, bakit pa siya mismo ang humingi ng tulong? Nang hindi tinulungan ng mga una niyang hiningan ng saklolo, pilit pa itong humanap ng ibang tao na tutulong at sasaklolo kay G. Erive. Kung siya ang salarin, bakit pa siya pumunta sa Barangay Hall at sa presinto upang ipatala ang nangyari?
Dahil sa kahinaan ng mga circumstantial evidence ng prosekusyon, ay minarapat ng CA na ipawalang-sala ang akusado.
Ang panalangin namin nawa’y sumuko na ang tunay na pumaslang kay G. Erive nang sa gayon ay makamit na niya ang katahimikan at hustisya. Ang daing para sa hustisya ni G. Erive ay mananatili hanggang ang tunay na salarin ay madala sa hukuman at malitis upang kanyang pagbayaran ang krimeng nagawa.
Binabati rin namin si Atty. Rachelle Ann T. Guiang ng PAO Special and Appealed Cases Service sa mahusay na pagtatanggol sa inosenteng nasasakdal sa kasong ito. Mabuhay ang hustisya!
Comments