FDA Dir. Gen. Domingo: Wala pa rin kaming nahuhuli sa mga raid
ni Lolet Abania | December 27, 2020
Ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na maraming Pinoy, kabilang na rito ang ilang sundalo, ang nagpaturok na ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm kahit na wala pang approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).
"Sabihin ko sa iyo, marami na ang nagpa-injection dito sa Sinopharm... Halos lahat ng sundalo natusukan na," ani Pangulong Duterte kay FDA Director-General Eric Domingo sa naganap na pulong ng mga Cabinet officials kagabi.
"I have to be frank and I have to tell the truth. I will not foist a lie. Marami nang nagpatusok and lahat," dagdag ng punong ehekutibo.
Gayunman, tugon ni Domingo sa pangulo, aarestuhin pa rin nila ang sinumang indibidwal na masasangkot sa pag-a-administer umano ng nasabing vaccine sa mga kababayan.
"Wala nga po kaming mahuli. Naka-tatlong raid na po kami sa Makati at saka sa Binondo, pero wala naman po kaming nahuli pa," sabi ni Domingo kay Pangulong Duterte.
Matatandaang nais ni P-Duterte na ang pulisya at military ay kasama sa unang makatatanggap ng COVID-19 vaccine kapag mayroon na nito sa bansa dahil aniya, kailangan ng mga itong maging malusog.
Ayon sa Pangulo, nananatili siya sa ganitong desisyon.
"Gusto ko mauna sila because I do not want a sickly armed forces and a sickly police. The reason why is that they have to be in good health all the time because they are responsible for the law and order of this country," ani P-Duterte sa meeting.
Naitalang mahigit sa isang milyong katao na ang kumuha ng Sinopharm para sa emergency use, ang experimental vaccine na dinebelop ng China National Pharmaceutical Group at naaprubahan din sa ibang bansa gaya ng Bahrain.
Comments