ni Ryan Sison @Boses | Dec. 1, 2024
Sa kabila ng mga kaguluhan at isyu sa pulitika, dapat na manatiling nakapokus ang mga sundalo sa kanilang misyon at mandato na protektahan ang sambayanang Pilipino, tiyakin ang seguridad ng bansa at ipagtanggol ang ating teritoryo.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbisita niya sa Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp General Guillermo Nakar sa Quezon.
Sinabi ni PBBM na ang trabaho ng mga sundalo ay panatilihin ang kapayapaan sa ating bansa at protektahan ang mga mamamayan.
Binigyang-diin naman ng Pangulo na buo ang suporta ng administrasyon sa mga nasa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police, at lahat ng kawani sa ilalim ng SOLCOM.
Sinabi rin ni PBBM na sa kabila ng kasalukuyang estado ng pulitika sa bansa. kailangan na ang mga sundalo at militar ay manatiling nakatuon sa kanilang mandato na tiyakin ang kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng mga mamamayan at teritoryo ng Pilipinas.
Hindi aniya dapat sila ma-distract o maapektuhan sa ingay sa pulitika habang ang kanilang pansin ay dapat na nakasentro sa kapakanan ng publiko.
Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga ito sa kanilang dedikasyon at serbisyo, lalo na ang kanilang mabilis at epektibong pagtugon sa magkakasunod na bagyong tumama sa bansa, kung saan kinikilala na ngayon ang Pilipinas bilang eksperto sa disaster response.
Marahil, mas makabubuti kung itutuon na lamang ng ating mga sundalo at militar, mga nasa law enforcement at iba pang katulad nito sa kani-kanilang trabaho upang hindi na sila magambala pa.
Kumbaga, huwag na nilang pansinin o makisawsaw pa sa pulitika at hayaan na lamang nila ang mga pulitiko mismo na magresolbahan sa kanilang problema.
Gawin na lamang nilang maging mahusay sa kanilang piniling propesyon upang hindi na madagdagan pa ang nangyayaring gulo sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments