ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 13, 2021
Dear Doc. Shane,
Last year ay namatay ang aking nanay sa edad na 61 dahil sa colon cancer. Maaari ba naming mamana ang sakit na ito? Ano ba ang sanhi ng colon cancer at ano ang mga sintomas na dapat bantayan? – Ramil
Sagot
Ang colon cancer ay isang uri ng sakit sa large intestine o colon, ang ibabang bahagi ng sistemang panunaw. Ang rectal cancer naman ay kung matatagpuan ang cancer sa huling apat na pulgada ng bituka. Ang sakit na ito ay kadalasang tinatawag na colorectal cancer.
Sa maraming pagkakataon, ang cancer sa bituka ay nagsisimula bilang maliit, hindi cancerous na bukol na tinatawag na adenomatous polyp. Pagdaan ng panahon, ang iba sa mga polyp na ito ay nagiging colon cancer.
Ang polyp ay maaaring maliit at nagpapalabas ng kaunting mga sintomas. Sa dahilang ito, maaaring magrekomenda ang doktor ng regular na pagsusuri para maiwasan ang cancer sa bituka sa pamamagitan ng pagkilala at pagtanggal sa polyp bago pa ito maging cancer sa bituka.
Sintomas ng colon cancer:
Pagkakaroon ng pagbabago sa pagdumi, pagtatae o kahirapan sa pagdumi
Pagdurugo ng puwit, pagkakaroon ng dugo sa dumi
Madalas na pagsakit ng tiyan, paghilab, kabag at iba pa
Panghihina o pagkahapo
Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
Maraming pasyenteng may colon cancer ang hindi nakararanas ng mga sintomas sa unang yugto ng kanilang karamdaman. Kapag ang sintomas ay lumitaw, kadalasan ay malala na ang sakit. Subalit, ito ay depende naman sa laki at lokasyon ng cancer.
Mga sanhi ng colon cancer:
Hindi malinaw kung ano ang sanhi ng cancer sa bituka. Subalit, alam ng mga doktor na ang colon cancer ay nangyayari kung ang malusog na mga selyula sa bituka ay nagkaroon ng pagkakamali sa DNA nito.
Ang malusog na mga selyula ay lumalaki at nahahati sa maayos na paraan para mapanatiling malusog ang katawan ng tao. Kapag ang DNA ay nasira at ang selyula ay naging cancerous, ito ay patuloy pa rin sa pagpaparami kahit pa hindi naman kailangan ng bagong mga selyula. Habang dumarami ang depektibong cells, nabubuo naman ang tumor. Sa paglipas ng panahon, ang cancer cells ay lalong dumarami habang sinisira ang malusog na tissues na malapit sa kanila. Ang cancerous cells ay may kakayahang maglakbay sa iba pang bahagi ng katawan.
Ang pagkakaroon ng namanang sakit sa genes ay maaaring magpalaki ng posibilidad na magkaroon ng colon cancer. Ito ay maaaring maipasa sa pamilya, subalit, kakaunting porsiyento lamang nito ang nauuwi sa cancer sa bituka. Ang minanang gene defects ay hindi naman ginagawang hindi maiiwasan ang cancer, pinatataas lamang nito ang posibilidad na magka-cancer.
Narito ang ilang mga sitwasyon na nagpapataas ng posibilidad na magka-colon cancer ang tao:
Matandang edad
Pagkakaroon ng colorectal cancer o polyp
Kamag-anak na nagkaroon ng cancer sa bituka
Pagkain ng matataba
Kakulangan sa ehersisyo
Labis na katabaan
Paninigarilyo
Pag-inom ng alak
תגובות