ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 8, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay 51-anyos at menopause na. Nakapagtataka dahil nakararanas pa rin ako ng pagdurugo gayung menopause na ako halos dalawang taon na ang nakararaan. Ang ikinatatakot ko ay baka mayroon na akong sakit tulad ng cervix cancer na siyang ikinamatay ang aking tiyahin. Hindi ko naman magawang makapagpa-checkup dahil bukod sa walang budget ay hindi pa safe ang lumabas-labas ngayon. – Melba
Sagot
Ang cervix ay bahagi ng reproductive system ng babae na makikita sa pagitan ng vagina at matres. Ito ay tinatawag na ‘kuwelyo ng matres’. Hindi nakokontrol ang mga abnormal cells sa cervix ng babaeng may cervical cancer.
Ang sanhi ng kanser ng cervix ay ang virus na tinatawag na Human Papilloma Virus (HPV). Ang HPV ang nagdudulot ng kulugo sa balat. Ang HPV ay kadalasang nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Gayundin, sa pamamagitan ng skin-to-skin contact ng mga ari. Gayunman, hindi lahat ng HPV ay nagdudulot ng cervical cancer.
Mga senyales ng cervical cancer:
Abnormal na pagdurugo ng ari. Kung nakararanas ng pagdurugo ng ari pagkatapos o habang nakikipagtalik, pagkatapos ng menopause at sa pagitan ng regla.
Kirot habang nakikipagtalik. Ang sintomas na ito ay nangangahulugang ang cervical cancer ay malala na at kumalat na sa mga tissue at reproductive organ.
Pananakit ng balakang. Ito ay karaniwan sa mga babae lalo na kung may dysmenorrhea. Ngunit kung ang sakit ay mas mahaba kaysa sa normal, maaaring sintomas na ito ng cervical cancer.
Abnormal na vaginal discharge. Ang likidong lumalabas sa babae na medyo malinaw at walang amoy ay normal. Ngunit kung mas marami, may amoy at kakaiba ang itsura ng discharge, maaaring isa itong sintomas ng cervical cancer. Kapag mayroong kanser ng cervix, ang discharge ay brown, matubig-tubig at may kahalong dugo.
Pananakit ng ari habang umiihi. Ang sintomas na ito kasama ng madalas na pag-ihi at pagbabago sa itsura ng ihi ay nangyayari kung ang kanser ay umabot sa kalapit na tissue.
Pagbabago sa dami at haba ng regla. Masasabing marami ang regla kung ang pagpapalit ng napkin ay kada dalawang oras.
Tandaan, mahalagang magpakonsulta agad sa doktor kung mayroon kahit isa sa mga senyales na ito dahil ang early detection ng kahit ano’ng kanser ang pinakamabisang paraan para talunin ito. Cervical cancer screening tests:
Karamihan ng mga kaso ng cervical cancer ay maiiwasan kung maagang na-detect at nagamot ang abnormal cells sa cervix. Ang basic na screening test para sa cervical cancer ay ang Schiller’s test. Sa pagsusuring ito, ang cervix ay pinapahiran lamang ng iodine o potassium iodine at saka oobserbahan. Kung nasa magadang kondisyon ang cervix, magiging kulay mahogany brown ito ngunit kung ito ay positibo sa pre-cancer lesions, ang pinahirang bahagi ay mamumuti.
Mayroon ding tinatawag na Pap Test o mas kilala sa tawag na Pap Smear. Sa Pap Test, gumagamit ang doktor ng speculum para suriin ang vagina at cervix at para kumuha ng cells at mucus mula sa cervix. Ang mga cell ay susuriin para malaman kung ito ay normal.
Ang mga cells na nakuha sa Pap Test ay maaaring gamitin para naman sa HPV Test. Maaaring makita ng pagsusuri na ito ang mga high-risk na uri ng HPV na karaniwang nakikita sa cervical cancer.
Comments