ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 26, 2021
Dear Doc. Shane,
Ang aking anak na 3 yrs. old ay isang linggo nang may sipon at napansin kong parang may nana ang kanyang tainga ngunit, wala naman siyang luga pero may amoy ito. Madalas din na parang hinihila niya ang kanyang tainga, marahil ay dahil masakit ito. Ano ba ang dapat naming gawin? Wala akong ipinaiinom na gamot para sa sipon maliban sa kanyang lagnat. – Maricris
Sagot
Ang impeksiyon sa tainga ay karaniwan sa mga bata. Kadalasan, nagsisimula ito kapag ilang araw nang may sipon o may baradong ilong. Maaaring tumaas ang lagnat at madalas umiiyak o kinakamot ng bata ang gilid ng kanyang ulo. Kung minsan, may makikitang nana sa kanyang tainga. Ang impeksiyon sa tainga ay dahilan ng pagtatae kung minsan. Kaya ‘pag nagtatae at nilalagnat ang bata, tingnan ang kanyang tainga.
Upang malaman kung may impeksiyon sa kanal o ang buong loob ng tainga, hilahin nang bahagya ang tainga ng bata. Kapag nasaktan siya, may impeksiyon sa kanal ng kanyang tainga.
Mahalagang magamot ito habang maaga pa. Sa mga batang wala pang tatlong taon, mas mabisa ang ampicillin. Bigyan din ng acetaminophen para mapawi ang kirot. Marahang punasan ng bulak ang nana sa tainga pero huwag itong papasakan ng bulak, dahon o anumang bagay. Ang mga batang may nana (luga) sa tainga ay dapat paliguan nang regular pero hindi dapat hayaang lumangoy o sumisid sa loob ng dalawang linggo pagkaraang gumaling.
Turuan ang mga batang magpunas ng ilong at huwag suminga kapag may sipon.
Huwag pasususuhin sa bote ang bata o kung hindi maiwasan, huwag pasususuhin nang nakatihaya dahil maaaring pumasok ang gatas sa kanyang ilong at maging sanhi ng impeksiyon sa tainga.
Mahalagang dalhin sa doktor ang bata nang ma-check ang kanyang tainga at mabigyan ng tamang antibayotiko.
Comments