ni Jasmin Joy Evangelista | October 3, 2021
Nagtataka ang ilang senador kung bakit sa Kamara humingi ng tulong si Pharmally regulatory affairs head Krizle Mago imbes na sa Senado o NBI.
Ito ay matapos ianunsiyo na inilagay siya sa protective custody ng Kamara matapos ilang araw na mawalan ng komunikasyon sa mga mambabatas, kasunod ng kaniyang testimoniya sa Senate hearing na ibinunyag ang ‘swindling’ ng kanilang firm sa gobyerno hinggil sa pagkalap ng face shields.
“Nakakapagtaka ang paghingi ni Mago ng protective custody sa kamara imbes na sa NBI. Kung protective custody ang gusto ni Mago, bakit sa Kamara siya nagpunta? Kusang loob na umamin si Mago tungkol sa tampering ng face shields at hindi pinilit o tinakot ng mga Senador," ani Sen. Franklin Drilon.
Si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon naman ay ikinaiinis ang paulit-ulit na pangako umano ni Mago.
"Nangako siya babalik na siya, a-attend siya kahapon, di na naman dumating. Katulad nu'ng isang araw, nangako, magkikita kami pagkatapos ng hearing para madagdagan 'yung sinabi niya. Tingin ko, kwan na siya eh, nandu'n na siya, pero ngayon ba't naman siya pupunta sa House? Eh kase raw mabait daw 'yung House. Mabait naman ako sa kanya, wala naman akong ginagawa sa kanya," ani Gordon.
Nitong Biyernes ay sinabi ni Good Government and Public Accountability Chair DIWA Party-list Rep. Michael Aglipay na nasa protective custody na ng Kongreso si Mago, at si Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ang sasagot sa mga tanong.
Sumulat umano si Mago kay House Speaker Lord Allan Velasco noong Setyembre 30 para humingi ng proteksyon.
"Presently, I cannot speak freely about the ongoing investigation on the alleged overprice of medical equipments without feeling threatened due to the undue influence and pressure being exerted from various sources," ani Mago.
Tiniyak naman ni Aglipay sa isang sulat kay Gordon na isasaayos ng Kongreso sakaling kailanganin si Mago sa mga pagdinig sa Senado.
Sumulat na rin si Aglipay kay Aplasca para padaluhin si Mago sa pagdinig ng kamara sa Oktubre 4. Sa Oktubre 5 naman ang susunod na pagdinig ng Senado.
Comments