top of page
Search
BULGAR

Mga senador joint forces.. 2023 na, dapat may divorce na

ni Mylene Alfonso | April 19, 2023




Muling binuhay ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang panawagan na ipasa ang Senate Bill 147 o ang Dissolution of Marriage Act.


Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, kailangan ang batas na ito ng mga kababaihang biktima at nakaligtas sa pang-aabuso sa tahanan.


“Bigyan na natin ang ating mga kababaihan ng pagkakataong makalaya sa masalimuot at abusadong pagsasama. Bigyan natin sila ng oportunidad na mahalin at magmahal muli. Ipasa na ang Divorce Bill,” ani Hontiveros, na siya ring may-akda ng panukala.


Batay sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippines Statistics Authority, isa sa apat na babaeng 15 hanggang 49 taong gulang na may asawa, ay nakaranas ng karahasan sa kanila mismong mga asawa, pisikal man, sekswal, o emosyonal.


Iniulat din ng mga survey na karamihan sa mga sumasang-ayon sa diborsyo ay mga babae.


"Ang sabi nga ng iba, isang papel na lang ang nag-uugnay sa kanila. Bakit pa ipagkakait sa kanila ang kalayaan at hayaang nakakulong sa isang relasyon na mapanakit, walang pagmamahalan at pagpapahalaga sa isa't isa?" wika pa niya.


"2023 na, wala pa ring divorce. It’s time to change this,” diin pa ni Hontiveros.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Robin Padilla, na nakaranas mismo ng diborsyo, dapat na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa diborsyo.


"Ako po ay divorced sa aking ex-wife at kami namang 2 ay maligaya. Siya ay nakapag-asawa na at ako naman ay nakapag-asawa na. At ganoon din ang aming anak, maliligaya din. ‘Di kami dumaan sa aso’t pusa, batuhan dito, batuhan doon. 'Di kami dumaan doon kasi kami malayang nakapagdiborsyo sa Sharia court," punto ni Padilla.


Samantala, inihayag ni Sen. Raffy Tulfo na nakita na niya kung ano ang hirap at pagtitiis ng mga ikinasal na hindi na nagkakasundo.


"Prior to my election as senator, I have seen countless persons stuck in toxic or unproductive marriages. They are left to suffer endlessly detrimental to [their] physical and psychological well-being. It is time to save Filipinos from this dead-end situation by enacting a divorce law," dagdag pa ni Tulfo.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page