@Editorial | October 22, 2023
Sinimulan na ng MMDA Anti-Smoke Belching Unit ang regular inspection laban sa mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok.
Mayroon nang kabuuang 324 na mga sasakyan ang sumailalim sa roadside smoke emission test noong Setyembre, ngunit 117 lamang ang pumasa.
Sa kabuuang bilang, 207 naman ang bumagsak at kailangang ipaayos ang makina ng kanilang sasakyan.
Isinasagawa ang roadside emission test upang masukat ang dami o kapal ng usok ng isang sasakyan sa pamamagitan ng opacimeter.
Ang operasyong ito ng MMDA ay pagtugon sa Republic Act 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999 kung saan ipinagbabawal na ibiyahe ang mga sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok.
Matagal na dapat ipinatupad ang operasyong ito. Kahit walang modernisasyon, sitahin dapat ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok sapagkat isa ito sa sumisira ng kalikasan.
Ang kadalasan umanong nagiging sanhi ng air pollution ay mula sa mga sasakyan lalo na sa Metro Manila.
Dapat na rin sigurong alisin sa kalsada ang mga sasakyang nasa 15-20 na ang tanda.
Maawa sana ang mga drayber dahil halos puro polusyon na ang ating nalalanghap na kadalasan ay nagiging dahilan ng iba’t ibang uri ng sakit lalo na sa baga.
Iligtas natin ang Metro Manila mula sa mapaminsalang polusyon.
Commentaires