ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | March 15, 2023
Habang umaandar ang araw mula nang sumambulat ang balita hinggil sa tanker na may dalang 800,000 litro ng pang-industriyang langis na lumubog sa Oriental Mindoro at nagdulot ng oil spill ay palala nang palala ang sitwasyon.
Kung dati ay apektado lamang ang marami nating kababayan dahil sa pangamba na masira ang mahahalagang yaman ng dagat ay tila mas lumalaki pa ang kinakaharap nating problema dahil maraming kabuhayan na ang apektado.
Kaya ngayon pa lamang ay naghahanda na ang aking Bayanihan Relief team para magtungo sa mga lugar na apektado ng oil spill upang mamahagi ng ayuda tulad ng relief goods, SBR pack at cash sa ilang piling kababayan natin na mas matindi ang pangangailangan.
Marami kasing bayan ang inabot ng oil spill at maraming mangingisda ang hindi na makalaot sa dagat dahil apektado ng langis, may mga lugar namang nangangamatay na ang isda, kaya wala silang kita at ang resulta ay nakakaranas na sila ng pagkagutom.
Apektado rin ang inuming tubig sa mga inabot na lugar, partikular ang mga umaasa lamang sa tubig poso dahil ang lumalabas umanong tubig ay malabo at amoy langis kaya hindi nila mainom na dumagdag pa sa kanilang gastusin dahil bumibili pa sila ng purified water.
Base sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mahigit sa 137,000 katao ang labis na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Nitong nagdaang Marso 11, nakumpirmang umabot sa 30,042 pamilya o 137,230 indibidwal mula sa 121 barangay sa MIMAROPA at Western Visayas regions ang matinding naapektuhan ng oil spill.
Matindi pa ang pangangailangang tulong sa naturang mga lugar dahil nakikiusap ang mga residente sa apektadong baybayin na padalhan na sila ng pagkain at iba pang tulong dahil wala na silang pagkunan ng kabuhayan.
Daig pa ng mga tao sa naturang lugar ang dinaanan ng matinding hagupit ng bagyo dahil sa ngayon ay nagtutulung-tulong sila, lalo na ‘yung nasa Barangay Batuhan, Pola, Oriental Mindoro kung paano malilinis ang hindi maampat na pagkalat ng langis.
Kumalat ang langis mula sa MT Princess Empress na lumubog sa Oriental Mindoro na umabot na sa dalampasigan sa bayan ng Taytay, Palawan at kumalat na rin ang langis sa lalawigan ng Antique.
Ayon sa University of the Philippines Marine Science Institute, ang langis na kumalat ay tinatayang naapektuhan ang may 20,000 ektarya ng coral reefs , 9,900 ektarya ng ng mangroves at 6,000 ektarya ng seagrass beds sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.
Noong nakaraang linggo, dumating sa bansa ang grupo ng mga eksperto mula Japan upang tulungan ang bansa, lalo na ang Philippine Coast Guard upang mapabilis ang pag-alis ng langis at pagpigil pa sa pagkalat nito.
Ngayon, heto at nagbabantang abutin na rin ng oil spill ang Verde Island Passage (VIP) na kinaroroonan ng global center ng marine diversity at ito ay sa pinakahuling forecast track ng Marine Science Institute ng University of the Philippines (UP-MSI).
Ayon pa sa UP-MSI, dahil sa paghina ng amihan, posibleng mapadpad ang mga tumagas na langis sa Calapan, Verde Island, at ibang bahagi ng Batangas. Ang VIP ay karagatan sa pagitan ng Batangas at Mindoro na may pinakamaraming bilang ng isda, corals, seagrasses, mangroves atbp.
Kanlungan din umano ito ng mga endangered at threatened species kasama na ang mga critically endangered species na hawksbill turtle, whale sharks, manta rays, dugongs, humphead wrasses, giant groupers at giant clams.
Kaya dapat talaga ay papanagutin ang mga may-ari ng tanker na MT Princess Empress dahil hindi lang mahahalagang protected area ang nasa panganib dahil sa oil spill, kundi maging ang buhay ng marami nating kababayan na nalagay sa peligro.
Alam naman nating sasabihin ng may-ari ng tanker na hindi nila ginusto ang nangyaring oil spill, ngunit palaging ganito na lamang ang sinasabi ng lahat ng nagkalat ng langis sa karagatan at hindi sila mag-iingat kung hindi sila magkakaroon ng pananagutan.
Panahon na para magdoble sa pag-iingat ng mga barkong nagpapabalik-balik sa bansa dahil bukod sa buwis ay wala namang ibang kinikita sa kanila ang pamahalaan, ngunit sa ganitong pangyayari ay kasama ang buong bansa sa perwisyo.
Paulit-ulit na kasi ang oil spill, pero matapos maglagablab ang balita ay kusa ring humuhupa at ang mga tanker na nasangkot ay nagtetengang-kawali lang tapos tuloy na naman ang operasyon na tila walang nangyari.
Sana naman pagdating ng araw ng paghuhukom ay huwag mapunta sa dagat-dagatang apoy at kumukulong asupre ang may-ari ng tanker na ito na walang pakialam at hanggang ngayon ay hindi nagpaparamdam.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments