top of page
Search
BULGAR

Mga sangkot sa ‘deep fake’ videos, ‘wag tantanan, tuluyan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 17, 2024



Babala sa ating mga kababayan: Huwag kayong mabiktima o mahulog sa bitag ng mga tinatawag na “deep fake” o mga minanipulang mukha at tinig ng mga pinagkakatiwalaang personalidad na nag-aalok diumano ng kung anu-ano kahit hindi naman totoo, gamit ang teknolohiya ng artificial intelligence o AI. 


Kamakailan, namalas natin ang kagarapalan ng pagmamanipula sa video nina Cheryl Cosim at Amy Perez para palabasin na diumano ay iniindorso nila ang mga lunas sa mga karamdaman. Itinanggi na ng news anchor ng TV5 na si Cosim ang diumano’y pahayag niya ukol sa gamot para sa atay, apdo at lapay. Gayundin si Perez, na nagulat sa diumano’y pag-eendorso niya sa gamot para sa sintomas ng menopause.


Maging ang mamamahayag na si Ruth Cabal na ngayon ay nasa TV5 na, at ang financial at business coach na si Chinkee Tan ay kabilang din sa mga nagawan ng deep fake ng mga naglipanang kawatan. 


Kaya’t kapag may napanood kayong mga video ng mga personalidad na nag-aalok ng mga produkto, lalo na ang mga ibinebenta ng sobrang mura at kamangha-manghang malapit na sa imposible, maghunos-dili at huwag padala sa kasabikan na malamang sa hindi ay mauwi sa pagkabudol. 


Mapapansin sa mga deep fake video na ito na hindi naman sabay sa pagbukas ng bibig ang mga salitang diumano’y binibigkas ng personalidad; na may kapansin-pansing mga katangian ng video na hindi normal; na ang pagkaka-edit ay dispalinghado. 


Kapag mayroon kayong promosyong napanood, mag-imbestiga muna nang husto bago bumili o sumakay sa gimik. Nasa huli ang pagsisisi, ngunit puwede namang nasa una ang masinsing pagbusisi. 


Ang ugaling Pinoy nga naman kadalasan, basta kakilala o pinagtitiwalaan ang sa kanila ay kumakausap o umiimpluwensya, napakadaling mabola at mapaniwala. Lalo na kapag matagal na nilang kilala. Pero kwidaw, dahil sa gitna ng AI, makokopya nang gayang-gaya ang boses ng ating mga kakilalang pinagkakatiwalaan para tayo ay asintaduhing paglalangan ng mga halang ang kalooban. 


Marami namang puwedeng ikaso sa mga manlolokong ito sa ilalim ng ating mga kasalukuyang batas. Kasuhan ang dapat kasuhan! Huwag nang hayaang ang mga naglabas ng mga deep fake na iyan ay makaimbento pang muli nang bagong deep fake, habang malalim sa pagkakatulog ang mga dapat gising sa paghahabol sa kanila! 


Hindi na kailangang hintayin pa ang pagpasa ng bagong batas laban sa mga abuso ng AI, sapagkat sa sinsin ng proseso nito sa Kongreso sa gitna rin ng kakulangan sa mga bihasa rito ay tiyak na panis na ang lehislasyon kapag ito ay naipasa, sa gitna ng mga bagong umuusbong na teknolohiya. 


Pagbutihin ng mga ahensya ng pamahalaan, ng Philippine National Police, ng National Bureau of Investigation, ng Department of Information and Communications Technology at iba pang may kinalaman, ang pagtutulungan sa pagsupil, pagtunton at paghuli sa mga sindikato at grupong nasa likod ng mapangwasak na paggamit ng teknolohiya. 


Huwag ninyong hayaang patuloy na pagpiyestahan ng mga walang budhing kawatan ang kainosentehan ng taumbayan!

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Apr 17

Dapat palakasin ang kapangyarihan at kakahayang teknikal ng Consumer Protection Assistant Group at Fair Trade Enforcement Board na parehong nasa ilalim ng Department of Trade and Industry na hanapin, usigin at papanagutin ang mga nagpapalabas ng fake news o nagbibili nag kuwestiyonable o fake products. Ilang taon na ang nakakaraan, inireklamo ko sa Fair Trade Enforcement Board ang isang on-line seller na hindi iyong inorder ko ang ipinadala. Nang hindi ko na makita ang facebook page ng nasabing seller, nag-file ako ng pormal na reklamo sa FTEB. HInihingi sa akin ang kompletong pangalan at address ng nasabing on-line seller pero nang sabihin kong hindi ko na makita ang fb account ang sagot ng FTEB ay wala silang magagawa kasi h…

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page