ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 17, 2024
Panahon na naman sa darating na Lunes para sa State of the Nation Address o SONA, ang taunang pagpapahayag ng nakaupong pangulo ukol sa mga nagawa at magagawa pa ng kanyang administrasyon para sa bansa.
Bagama’t ang mga makadadalo at kakausapin ng bukod-tanging magsasalita sa okasyong ito ay ang ating mga mambabatas sa Senado at Kamara, ang naturang mahabang diskurso ay para sa sambayanan, kabilang ang ating mga kababayang nasa ibayong dagat.
Ngunit, gaya ng sa mga nakaraang taon, hindi lahat sa atin ay makikinig o manonood ng SONA. Magiging abala ang marami sa kani-kanilang mga gawaing panghanapbuhay o para sa pamilya, habang kumakalam ang sikmura at nagtitimpi sa mga pagkukulang ng mga serbisyo-publiko.
Minamarapat na lang ng marami na huwag tunghayan ang SONA upang hindi makita ang ‘di kanais-nais at maluhong mga personalidad, lalo na ang mga magdi-display ng kanilang mamahaling kasuotan habang abot-tainga ang ngiting dala ng karangyaang pinagyaman ng kanilang panunungkulan sa pamahalaan.
Sa madaling salita, marami rin gaya ng dati ang hindi susubaybay sa SONA para iwasang mapabuntong-hininga at mapa-“sana all.”
Marami nga namang bagay na matagal na sanang natatamasa ng nakararami sa atin ngunit, sa kabila ng halos 20 administrasyon, ay nananatiling kasinlayo ng mga bituin imbes na kasinlapit ng ating sariling mga kamay.
Sana’y hindi kakarampot ang naiuuwing suweldo mula sa araw-araw at masinsinang pagbabanat ng buto at pakikipagsapalaran, na kahit sana basurero o tubero sa atin, gaya ng mga nasa bansang Kanluranin, ay makakapamuhay nang sapat at may dignidad.
Sana ay maayos ang daloy ng trapiko, na masosolusyunan ng pagpapatupad ng maaasahan at kaaya-ayang transportasyong pampubliko — gaya na lamang ng sa Japan at Australia — na makaeengganyo sa ating mga mamamayan, anuman ang antas sa lipunan, at makakapagparami ng ating ngayo’y katiting na oras para sa sari-saring gawain.
Sana ay maging abot-kaya ang mga bilihin upang maiwaksi ng sinuman sa atin ang ’di-makatarungang pagtitipid at pagtatalaga ng bawat araw ng suweldo bilang araw ng pagbabayad-utang — sa karinderya man, kapitbahay, kaopisina, sa paluwagan o bangko.
Sana ay may pagkakaisa’t katinuan ng pag-iisip at pananalita ang ating liderato at iwaksi ang pagbigay-atensyon sa walang kakuwenta-kuwentang mga usaping malayo sa sikmura at hindi pang-masa, at sa halip ay tumugon sa mga seryoso at nakababahalang mga suliranin at sitwasyong lalong makapagpapalugmok sa atin at sa mga susunod na henerasyon kung hindi haharapin.
Sana, kung hindi man sa ngayon ay sa ’di-kalayuang panahon, maging abot-kamay ng lahat ang mga benepisyong pangkalusugan at gamot upang walang mabahala para sa sarili o sa mga mahal sa buhay na naghihikahos at nangangambang bilang na ang kanilang mga araw dala ng kagipitan at kawalan ng pantustos sa gamutan.
Sana ay lalong mabuksan ang puso ng marami pang tagapaglingkod at tagapagpala upang mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang kapuspalad na kabataan na makapag-aral hanggang kolehiyo, nang sa gayo’y mapaganda ang kanilang kapalaran at sila’y maging kasangkapan upang mapaunlad ang kanilang pamilya at ating bayan.
Sana ay mapalawig pa ang mga pamamaraan upang maipaunawa sa lahat ang pagpapahalaga sa kapaligiran, na maging malinis, maaliwalas at kaaya-aya ang anumang daan sa siyudad o probinsya imbes na marumi, makalat at dugyot, at lalo pang mapag-ingatan ang Inang Kalikasan para sa ating magiging mga apo.
Ilan lang ’yan sa ngayo’y ating pinapangarap na mga nararapat para sa ating mga kababayan. Kung aasintaduhin ang pagtugon sa mga iyan, marahil ay gaganahan tayo at mas mabilis pa sa alas-kuwatrong tututok sa bawat SONA na puno ng pag-asa.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments