ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 15, 2023
Parang bombang sumabog ang naging pahayag ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagbabawalan na ang mga motorcycle rider na sumilong sa ilalim ng mga flyover o footbridges sa kahit saang lugar sa Metro Manila.
‘Yan mismo ang naging pahayag ni MMDA acting Chairman Romando Artes sa harap ng maraming media sa gitna ng pagpapasinaya sa bagong bukas na Communications and Command Center ng MMDA sa Pasig City noong nakaraang Miyerkules.
Nabigla ang mga reporter na nagsasagawa ng coverage dahil ilan sa kanila ay gumagamit din ng motorsiklo. At kung matutuloy ang banta ni Artes, tiyak na maging sila man ay maaapektuhan kung hindi magkakaroon ng palakasan.
Tahimik ang media nang ianunsyo ni Artes na lubhang napakadelikado umano ng pansamantalang pananatili ng mga motorcycle rider sa ilalim ng mga overpass para sumilong at nang hindi mabasa sa buhos ng ulan dahil maraming dumaraang motorista.
Ang katuwiran ng MMDA, hindi umano ito ligtas para sa ating mga ‘kagulong’ na manatili sa ilalim ng mga flyover na karaniwan ay nasa highway dahil posibleng mabangga ng humaharurot na sasakyan na hindi agad sila mapapansin.
Higit sa lahat ang kumpulan umano ng mga motorcycle rider sa ilalim ng mga footbridge ay nagdudulot nang pagsisikip ng daloy ng trapiko kaya gigil na gigil ang pamunuan ng MMDA na ipatupad ang kautusang ipagbawal ang pagsilong.
Ipinaliwanag ng MMDA na labis na nakakaperhuwisyo ang ating mga ‘kagulong’ kung pagsisikip ng daloy ng trapiko ang pag-uusapan dahil sa tumatagal umano ng kalahati hanggang isang oras o higit pa ang pagbuhos ng ulan at hindi sila nag-aalisan hangga’t hindi tumitila.
May pagkakataon umanong dahil sa rami ng motorsiklong sumilong sa mga flyover ay sinakop na ng mga ito ang ilang linya sa kalye at isang linya na lamang ang nadaraanan kaya nagdudulot nang pagbagal ng usad sa hanay ng mga motorista.
Plano ng MMDA na patawan ng multa sa pamamagitan ng pag-isyu ng violation ticket para sa kasong obstruction na may multang P500 at ‘yan ay sa unang paglabag lamang at hindi pa natatalakay sakaling muling mahuli ang sumilong na rider.
Nakapaloob din sa plano ng MMDA na makipag-ugnayan sa mga gasoline stations at isasama umano ito sa pinaplantsa nilang sistema na dito maaaring sumilong ang mga rider bago ipatupad ng may paghihigpit ang kautusan ng MMDA.
Pakikiusapan umano ang mga gasoline station, partikular sa kahabaan ng EDSA na magtayo ng tent para magsilbing silungan ng mga rider at maaari umanong huminto sa itatalagang lay-by areas sakaling bumuhos ang ulan.
Maganda ang intensyon ng MMDA na maibsan ang pagsisikip ng trapiko ngunit tila hindi makatao ang panuntunang nais nilang ipatupad laban sa mga nagmamaneho ng motorsiklo at isa itong anti-poor o pagmenos sa ating mga ‘kagulong’.
Ilan lang naman sa ating mga ‘kagulong’ ang nagpapatila ng ulan dahil ang iba ay saglit lamang sumisilong para magsuot ng baon nilang kapote. At kung magsisimulang pumatak ang ulan at maghahabol pa sa mga gasoline station o lay-by area ang mga rider ay posibleng mabasa na bago pa makasilong.
Malaking porsyento ng ating mga ‘kagulong’ ay mula sa sektor ng mahihirap at ang iba ay delivery o habal-habal rider na hirap kumita ng P1,000 sa isang araw, tapos pagmumultahin pa ng P500 na imbes isusubo na sa pamilya ay aagawin ng mga enforcer ng MMDA.
Maghapong nakabilad sa init ang ating mga ‘kagulong’ kaya mahalagang agad na makasilong sa biglaang pagpatak ng ulan at parang nakakadurog ng puso na pati ang pagsilong ay ipagkakait pa natin sa kanila.
Hindi natin tinututulan ang intensyon ng MMDA ngunit sana naman ay plantsahin munang mabuti ang kautusang ito bago ihayag sa media para hindi naman magmukhang kawawa itong ating mga ‘kagulong’ na dumaranas na ng diskriminasyon sa mga check point at ngayon pati pagsilong para hindi magkasakit ay kakastiguhin pa.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios