ni Ryan Sison @Boses | Mar. 17, 2025

Sa kabila ng maraming hamon, nagawang tuparin ng poll body ang kanilang pangako na tapusin ang printing ng mga balota na gagamitin para sa nalalapit na halalan.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nakumpleto na ang pag-imprenta ng mahigit 68 milyong balota para sa 2025 national at local elections, at kapag natapos na ang verification process sa mga balota, ito ay kanilang mamarkahan, isi-sealed at ihahanda para sa distribusyon.
Sa press briefing noong Sabado, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na 68,542,564 na mga balota ang naimprenta mula nang ipagpatuloy ito noong Enero 27 sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.
Labis ang pasasalamat niya sa NPO na kahit na nagkaroon sila ng problema noong una ay nakayang nilang tapusin ang pag-imprenta ng mga balota nitong Marso 15.
Nilinaw naman ni Garcia na hindi kasama sa mga printed ballots ang mga test ballot o iyong para sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE), kung saan gagawin ito sa Oktubre. Iginiit niya na ang mga balota na naimprenta nila ay para lamang sa May 2025 elections. Habang ang huling batch na na-print noong Sabado ay para sa lalawigan ng Iloilo at San Juan City sa Metro Manila.
Aniya, plano ng Comelec na simulan ang pagde-deploy ng mga balota sa kalagitnaan ng susunod na buwan. Magsisimula silang magdeliber ng mga balota sa buong bansa sa ikalawang linggo ng Abril.
Binigyang-diin ni Garcia na nasa 34 milyon o nasa 50 porsyento ng mga printed ballots ang na-verify na. Sa panahon ng beripikasyon, ang mga official ballots ay dapat pumasa sa manual checking gayundin, ang mga automated counting machine.
Kaugnay nito, sinimulan na rin ng Comelec ang pag-dispose ng humigit-kumulang 6 milyon na rejected ballots mula sa kanilang warehouse sa Santa Rosa, Laguna. Ang mga balota ay kasalukuyang dinala sa isang paper mill sa Pampanga para sa disposal.
Paliwanag ng poll body, ang mga naturang balota ay idi-dispose dahil sa maraming temporary restraining orders (TROs) na mga kandidato ng Korte Suprema. Nag-ugat ang TRO mula sa mga desisyon ng Comelec na i-disqualify ang ilang kandidato o ideklara silang nuisance bets.
Mabuti at natapos na ang pag-imprenta ng mga balota na napakahalaga at kinakailangang bagay na gagamitin sa halalan. Gayundin, ang pag-dispose ng mga ni-reject na balota para hindi na magamit pa sa May elections.
Patunay na handa na pala ang kinauukulan at ginagampanan naman ang kanilang trabaho.
Sana, bukod sa pagkumpleto ng mga official ballot ay maging maayos din ang mga automated counting machines na gagamitin sa mismong araw ng eleksyon, kung saan wala sanang masyadong maging aberya sa mga ito at magtuluy-tuloy lamang ang botahan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Payo lang sa mga kababayan, magdala sana ng listahan ng mga nais ninyong kandidato, iyong nararapat talagang iboto para maging mabilis at hindi na magtagal pa sa mga prisinto. Mas makabubuti ito sa atin dahil makakaiwas na tayo sa posibleng sakit sa dami ng mga tao, makakaiwas pa tayo sa anumang sulsol at pasaway na kapwa natin botante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Σχόλια