top of page
Search

Mga rally site, bantay-sarado na ng kapulisan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 13, 2025



Boses by Ryan Sison

Dapat maging balanse ang mga otoridad sa pagharap sa posibleng malawakang protesta matapos ang nangyaring pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, upang mapanatili ang kaayusan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa. 


Ayon kay National Capital Region Police Officer (NCRPO) Director Police Brig. Gen. Anthony Aberin, mahigpit nilang binabantayan ang mga rally site gaya ng EDSA Shrine, Mendiola, Liwasang Bonifacio, Welcome Rotonda at People Power Monument. 


Ipinag-utos niya sa mga pulis na magmobilisa ng sapat na puwersa upang maiwasan ang kaguluhan sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko ni ex-P-Duterte. 


Bagama’t kinikilala ng mga otoridad ang karapatan ng taumbayan sa mapayapang pagtitipon, iginiit ni Aberin na tungkulin din nilang tiyakin ang kapakanan ng mas nakararaming mamamayan, lalo na ang mga motorista at manggagawa na apektado ng anumang kilos-protesta. 


Nagbigay din siya ng direktiba sa mga ito na makipag-usap sa mga rally organizer para mapigilan ang posibleng tensyon. 


Nitong Martes, inilagay ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng puwersa ng pulisya sa ilalim ng heightened alert status bilang antisipasyon ng mga mass protest action kasunod ng pag-aresto kay ex-P-Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, at kalaunan ang pag-transport sa kanya sa The Hague sa Netherlands.


Daan-daang mga tagasuporta niya ang nagtipon sa Villamor Airbase subalit sa huli ay naghiwa-hiwalay din matapos lumipad ang eroplanong sinasakyan ng dating pangulo.

Mino-monitor na rin ang maaaring kilos-protesta sa Davao City at iba pang bahagi ng Mindanao.


Sa nangyayaring protesta ngayon, lumilitaw ang hamon sa gobyerno. 


Ang paggamit ng dahas ay dapat huling opsyon lamang at hindi solusyon sa lahat ng ating problemang kinakaharap. Ang mas epektibong solusyon ay maayos na usapan, patas na pagpapatupad ng batas at pagpapakita ng respeto sa demokratikong proseso. 


Ang bansa ay dumaan na sa maraming yugto ng pampulitikang hidwaan. Sa halip na itulak ang isa’t isa at ang labis na paghihigpit, mas makabubuting maging bukas ang pamahalaan sa malalim na pag-unawa sa saloobin ng taumbayan. 


Kung meron mang tayong dapat matutunan mula sa kasaysayan, ito ay ang katotohanang hindi natutuldukan ng dahas ang hindi pagkakaintindihan na madalas na nagreresulta sa pagkakawatak-watak ng ating bansa at lalo pang nagpapalalim ng hidwaan. 


Hiling natin sa lahat na pairalin pa rin ang pagiging mahinahon habang gawing unawain ang isa’t isa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page