ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 22, 2023
Ang Employees’ Compensation Program (ECP) ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng benepisyo sa lahat ng mga manggagawa o kanilang mga benepisyaryo kapag ang nauna ay nagkaroon ng kapansanan o pagkakasakit, o kaya naman ay nagkaroon ng pinsala o namatay nang may kinalaman sa pagtatrabaho. Ang ECP ay ipinatutupad ng Employees’ Compensation Commission (ECC), isang government corporation na kabahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa koordinasyon na may kinalaman sa polisiya at gabay. Sakop ng ECP ang mga sumusunod na manggagawa:
1. Empleyado sa pribadong sektor na sapilitang miyembro ng Social Security System (SSS), kabilang ang mga sea-based overseas Filipino workers (OFWs) at mga kasambahay.
2. Empleyado ng gobyerno na sapilitang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), kasama ang mga uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail and Management Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), and Philippine Coast Guard (PCG).
3. Aktibong self-employed na miyembro ng SSS.
Ang kompensasyon sa ilalim ng ECP ay epektibo lamang kapag ang pagkakasakit, pinsala, o kamatayan ay konektado sa trabaho (work-connected) at kasama sa mga compensable diseases na nasa listahan ng Occupational Diseases na itinalaga ng ECP. Gayunpaman, kahit wala sa listahan ng Occupational Diseases, maaari pa ring maghain ng habol kung mapapatunayan na ang panganib ng pagkakasakit ay tumaas dahil sa kondisyon ng pagtatrabaho. Ito ay ang tinatawag na “increased risk theory”.
Kapag naman ang pinsala, pagkakasakit, pagkakaroon ng kapansanan, o sanhi ng kamatayan ay dulot ng pagkalasing (intoxication), sinasadyang pananakit sa sarili o ng ibang tao, sadyang pagkitil ng sariling buhay o ng ibang tao, o dulot ng kilalang (notorious) na kapabayaan, ang nasabing empleyado o kanyang benepisyaryo ay hindi maaaring makakuha ng kompensasyon mula sa ECC.
Ang mga benepisyo mula sa ECP ay ang mga sumsunod:
Sickness/disability benefits
Ang binabayaran dito ay hindi ang pagkakasakit kundi ang kawalang kapasidad na makapagtrabaho dahil sa tinamong pinsala o kapansanan.
2. Medical benefits Kasama rito ang reimbursement ng mga gastusin para sa gamot, bayad sa medical care, hospital care, surgical expenses, at bayad para sa rehabilitation appliances at supplies. Subalit ang medical services ay limitado sa ward services ng mga ospital na akreditado ng Department of Health (DOH).
3. Carers’ allowance Ang supplemental pension na P1,000 kada buwan ay ibinibigay sa mga pensioners sa ilalim ng ECP na napinsala dahil sa work-connected permanent disability, maging partial man ito o total.
4. Rehabilitation services/KaGabay Program (Katulong at Gabay sa Manggagawang May Kapansanan)
5. Death benefit Ang mga benepisyaryo ng isang namatay na empleyado ay makatatanggap ng income benefit kapag ang kapamilyang empleyado ay namatay dulot ng work-related injury o sickness. Matatanggap nila ang income benefit na ito mula sa pagkamatay ng kanilang kapamilyang empleyado at magpapatuloy hanggang sa sila ay may karapatang makatanggap nito.
6. Funeral benefit na P30,000.00.
Comments