ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 25, 2023
Dear Chief Acosta,
Isa akong banyaga na mahigit 15 taon nang nakatira sa Pilipinas. Iniisip ko kung ako ay magpapa-naturalize na bilang isang Pilipino kaya pinag-aaralan ko ang proseso nito. Nakita ko na dapat ay mayroon akong mga witnesses na magpapatunay ng aking pananatili sa bansa na aking ipipresenta sa proceedings hinggil dito. Maaari ko bang malaman kung sinu-sino ang mga dapat kong ikonsidera bilang mga witnesses? - Ming
Dear Ming,
Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Edison So v. Republic of the Philippines (G.R. No.170603, January 29, 2007), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Mahistrado Romeo J. Callejo Sr., kung saan ipinaliwanag na:
“In naturalization proceedings, it is the burden of the applicant to prove x x x the good moral character of his/her witnesses, who must be credible persons. What must be credible is not the declaration made but the person making it. This implies that such person must have a good standing in the community; that he is known to be honest and upright; that he is reputed to be trustworthy and reliable; and that his word may be taken on its face value, as a good warranty of the applicant’s worthiness.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang isang aplikante sa isang naturalization proceedings ay dapat na may pagpapatunay hinggil sa good moral character ng kanyang mga ipipresentang witnesses. Dapat mapatunayan niya na may magandang katayuan ang mga ito sa komunidad, may katapatan, at lubusang mapagkakatiwalaan. Kailangang maipakita na ang mga salita ng mga magiging saksi ay maaaring paniwalaan.
Ang mga ito ay alinsunod din sa Commonwealth Act No. 473 o “Revised Naturalization Law,” na nagsasaad ng mga sumusunod:
“The petition must be signed by the applicant in his own handwriting and be supported by the affidavit of at least two credible persons, stating that they are citizens of the Philippines and personally know the petitioner to be a resident of the Philippines for the period of time required by this Act and a person of good repute and morally irreproachable, and that said petitioner has in their opinion all the qualifications necessary to become a citizen of the Philippines and is not in any way disqualified under the provisions of this Act.” (Sec. 7)
Samakatuwid, kung iyo nang napagdesisyunan na ituloy ang pag-file ng naturalization proceedings para ikaw ay maging isang ganap na Pilipino, nararapat na ikaw ay maghanap ng mga tapat at mapagkakatiwalaang mga tao na maaari mong gawing mga saksi para sa proceedings na kaugnay nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments